MAY DALAWANG taon na lang na nalalabi ang administrasyong Aquino ngunit tila wala pa ring nararamdamang pagginhawa sa hanay ng mga maralitang Pilipino. Sa kabila ng mga pagyayabang na laging binibida ng Pangulo sa kanyang mga SONA ay marami pa rin ang gutom, walang maayos na tirahan, walang trabaho at namamatay sa sakit dahil walang tulong medikal mula sa gobyerno.
Sa artikulong ito ay tatalakayin ko ang dalawang isyu sa ating lipunan na maaaring bigyang-halaga ng ating gobyerno sa huling dalawang taon ng termino ni PNoy bilang dalawang huling hirit ng kanyang administrasyon.
UNA, ANG iminumungkahi ni Vice President Jejomar Binay na pataasin ang antas ng trabaho ng mga kababayan nating naglilingkod sa ating mga barangay. Sa kasalukuyang sistema kasi ng kanilang pagkaempleyo, nananatili silang hindi regular na mga manggagawa ng gobyerno.
Bukod pa sa wala silang regular na buwanang sahod, hindi rin sila miyembro ng PAG-IBIG Fund, Government Service Insurance System (GSIS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Tanging sa mga insentibo lamang umaasa ng pagkakakitaan ang mga pobre nating barangay workers na binubuo ng health workers, barangay watchmen, street sweepers at iba pang mga barangay worker.
Ayon naman kay Senator Nancy Binay, natulog lamang ang isang kahalintulad na bill sa Kongreso nitong nakaraang sesyon. Ngayon ay umaasa si Senator Binay na susuportahan ng maraming mambabatas sa mababa at mataas na kapulungan ang nais niyang isulong na batas hinggil sa isyung ito.
SANA SA nalalabing mga araw ng Pangulo sa Palasyo ay bigyang-prayoridad naman niya ang mga ganitong uri ng batas kung saan ito’y may direktang tulong at kaginhawaan sa mga mahihirap nating kababayan.
Hindi natin matatawaran ang hirap at sakripisyong ginagawa ng mga street sweeper araw-araw na kahit tirik ang araw ay masipag na nagwawalis sa kalsada. Kailangan din maging sapat ang kinikita ng barangay health workers para lalong maging episyente ang serbisyong binibigay nila sa ating mga kababayan sa kani-kanilang mga barangay.
Kung talagang seryoso ang ating pamahalaan sa isang tuwid na daan, dapat maipakita ito sa mga bagay na magpapaunlad ng kanilang kabuhayan. Kung tunay nga na nabawasan ang corrupt sa gobyerno, dapat mabawasan na rin ang mahihirap.
Ang pagpupunyagi para maging regular na manggagawa ang mga nagtratrabaho sa barangay at magkaroon sila ng mga benepisyong gaya ng mga regular na empleydo sa gobyerno ay isang matuwid na hakbang sa tuwid na daan.
ANG PANGALAWANG isyu ay patungkol sa pampublikong serbisyong medikal ng ating pamahalaan. Alam n’yo bang aabot sa P43 billion ang nailaan na pera ng gobyerno simula pa noong 2010, para ma-rehabilitate ang mga government health facility sa buong bansa, kung saan ang marami rito ay pinangangasiwaan ng mga local government unit (LGUs).
Ang P43 billion ay nagastos sa programang “Health Facility Enhancement Program” (HFEP) at sa pamamagitan ng programang ito ay matitiyak na makararating ang mga kinakailangang serbisyong medical sa mga kababayan nating mahihirap. Ito ang pahayag ni DOH Secretary Enrique Ona sa isang panayam sa isang malaking pahayagan.
Ang nagiging problema rito ay ang kapalpakang hindi yata nakararating sa mga kababayan nating mahihirap ang kinakailangan nilang serbisyong medikal. Tila sinisisi ni Ona ang hindi pagiging responsive ng LGUs sa mga medikal na pangangailangan ng kanilang mga constinuent.
Ayon sa isang pag-aaral ng National Economic and Development Authority, ipinakita rito na may 30 percent ng mga Pilipino ang namamatay na hindi man lang napatingnan sa doktor. Kaya naman naglunsad ang DOH ng mga istratehiya upang matugunan ang problemang ito.
Ang “prevention,” “early diagnosis” at “early treatment” ay tatlong hakbang na tutugon sa nasabing problemang medikal. Ngunit ayon na rin kay Ona, nagkukulang ang ating pamahalaan sa pangalawang hakbang, kung saan hindi naisasagawa ang “early diagnosis” kaya naman malala na ang sakit ng ating mga kababayan at lubha nang mahirap lunasan ito sa panahon na lalapit sila sa mga doktor.
ANG SENTRO nga ng problema rito ay ang kawalang-serbisyong medikal na regular na titingin o isang regular medical check-up upang agarang makita kung may problemang kalusugan man ang mga kababayan nating mahihirap.
Ito ang “early diagnosis” o pangalawang hakbang na dapat isinusulong ng mga LGU’s dahil nasa kanilang pamamahala na nga ang mga government medical facilities na ito. Ang mas malaking problema rito, tila hindi naman ito binibigyang-pansin nina governor at mayor.
Napapanahon na sigurong susugan ng pamahalaan ang kakulangang ito. Kung mukhang hindi epektibo ang mga LGU sa serbisyong ito, dapat aksyunan na ito ng gobyerno natin.
Ang kalusugan ay mahalaga para sa lahat. Sana ay hindi maipagkait ito sa ating mga kababayan lalo na sa mga mahihirap. Sana sa nalalabing panahon ni Pangulong Aquino ay bigyang-halaga niya ang problemang ito.
Ang isang malusog na pamayanan ay mahalaga. Maraming mga tao ang salat sa materyal na yaman at hindi naman lahat ay hinihiling ang maging mayaman dito. Ang kalusugan bilang kayamanan ang tanging hiling ng lahat. Sana sa pagtatapos ng Pangulo sa kanyang termino ay iiwanan niya ang isang malusog na mamamayang Pilipino.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo