KAMAKAILAN AY nag-baba ng alarma si dating Chief Justice Reynato Puno na dapat nang aksyunan ang problema sa human trafficking bago mahuli ang lahat. Partikular na itinuro ni Puno ang mga kabataan nating babae na pangkaraniwang target ng mga nagbebenta ng laman at nagsasamantala sa ating mga kababayan.
Ang opinyon ni Puno ay sinang-ayunan ng International Justice Mission, ng State Department ng Amerika at ng UNICEF.
Ayon sa UNICEF, umaabot na sa dalawang milyon ang mga bata na nasa commercial sex trade sa buong daigdig. Sa Pilipinas, tinatayang nasa 250,000 ang mga street children na lantad sa pang-aaping sekswal at abusong pisikal.
Ayon naman sa International Labor Organization, kumikita ng $9.7 milyon ang mga traffickers mula sa 12 milyong manggagawa sa Asia-Pacific Region lang kada taon.
Ipinagpapalagay pa na nahigitan na ng trafficking ang problema sa droga dahil ang mga biktimang babae ay naibebenta nang mara-ming beses samantalang ang droga ay minsanan lang naibebenta.
Kahirapan ang ugat ng problemang ito. Kung baga’y kapit sa patalim ang mga biktima. At kung mabulgar ang operasyon ng mga trafficker, madalang ang nagrereklamo at nagdedemanda dahil takot sila sa gastusin sa asunto.
Dahil sa tindi ng problema, hindi kaya ng pamahalaan lang na solusyunan ito. Kailangan din ang tulong ng mga NGO at mga mamamayan.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo