KAKAIBANG CONTEST ANG napakinggan namin sa isang FM radio station dahil hindi tungkol sa kanta at lalong hindi tungkol sa singers, kundi sa kayamanan nina Manny Pacquiao at Willie Revillame ang pinakialaman ng hosts at listeners.
Ang tanong ay kung sino sa palagay ng listeners ang mas mayaman kina Willie at Manny and in fairness, marami ang tumawag at nag-join sa contest. Ang iba nga’y nag-quote pa kung magkano ang daily talent fee ni Willie sa Wowowee at pati ari-rian ng TV host ay alam.
Hindi rin nagpatalo ang fans ni Manny sa pagko-kowt ng mga kinikita nito everytime may laban at inisa-isa rin ang mga negosyo ng boxing champ. Hindi pa kasama rito ang talent fee niya as endorser, as a TV host sa Pinoy Records and as an actor sa Totoy Bato.
Hindi namin narinig kung sino ang nanalo at lumabas na mas mayaman kina Willie at Manny, pero nakatutuwang malamang parang mga taga-BIR ang listeners sa rami ng alam sa pera ng dalawa.
NAKAKUHA NA ANG GMA 7 nang ipapalit sa role na iniyawan ni JC de Vera sa Obra at ito’y walang iba kundi ang nagbabalik-Kapuso na si Geoff Eigenmann. Siya ang makakasama nina Marvin Agustin, Sheryl Cruz, Bianca King at Maxene Magalona sa drama anthology na kundi kami nagkakamali, sa March 12 na magpa-pilot.
Matagal ding nasa ABS-CBN si Geoff at naalala naming pinag-love team pa sila ni Heart Evangelista at Anne Curtis. Naging VJ pa siya sa MYX, but obviously, natapos na ang kontrata niya kaya ibinalik siya ng manager niyang si Perry Lansigan sa Ch. 7.
Magaling na actor si Geoff at maganda siyang replacement ni JC at kung titingnan sa cast, baka kay Maxene siya ipareha at tiyak na kakikitaan sila ng chemistry. Si Dominic Zapata ang director ng Obra na magiging series na.
TULOY PA RIN ang relasyon ng guwapong actor at magandang actress kahit marami ang hindi pabor dahil mas sikat ang actor sa actress. Naniniwala ang kampo ng actor na ginagamit lang ng actress ang kasikatan nito para sumikat din siya.
Kamakailan lang, nakita sila sa isang malayong probinsiya na silang dalawa lang at obviously, nagbabakasyon pagkatapos nang dire-diretsong trabaho, lalo na ang actor. Hindi lang sila nag-ingat at akala’y walang makakakita’t makakakilala sa kanila, kaya panay ang lambingan. Malaki ang panghihinayang nang nakakita sa kanila’t ‘di nakunan ng litrato’t nag-low batt ang cellphone nito.
Kaya lang, hanggang kailan maitatago ng guwapong actor at magandang actress ang kanilang relasyon? Kailan mairarampa ng actor ang girlfriend na walang magre-react at hindi magagalit ang kanyang fans na ibang ka-love team ang gusto para sa kanya?
MAGSISIMULA NA SA Monday (March 1), ang TV remake ng Dapat Ka Bang Mahalin? kung saan, ilo-launch ang love team nina Kris Bernal at Aljur Abrenica. Para masigurong hindi papalpak ang project, kinuhang director si Maryo J. delos Reyes at magagaling na artista ang kinuha para makasama ng mga bagets.
Ninenerbyos, pero parehong excited sina Kris at Aljur dahil alam nila na ‘pag nag-klik ang Dapat Ka Bang Mahalin, tuluy-tuloy na ang pagsikat ng kanilang tambalan. Kaya hindi sila nag-inarte at nang sabihing may kissing scenes at love scenes sila, walang nagreklamo at ginawa ang mga nabanggit na eksena.
‘Kaaliw pala si Kris dahil kinikilig kay Aljur at hindi itinatagong love niya ang kapareha at nagselos kay Rich Asuncion, ex ng actor. Aminin man nito at hindi, natuwa ang actress nang mag-break ang dalawa.
Mere or Less
by Nitz Miralles