Hunyo na, Balik Eskwela na, Handa na ba kayo?

PASENSYAHAN TAYO, hindi theme song ng buhay natin ang kapalaran nina Phineas and Ferb na may “104 days of summer vacation”. Hindi rin tayo sinusuwerte na may bakasyon na anim na buwan, dalawang beses sa isang taon. Dahil Hunyo na, isa lang ang ibig sabihin niyan: PASUKAN NA NAMAN!

Ngayong bilang na ang araw ng bakasyon n’yo, sulitin na ang mga ito. Huwag masyadong petiks na naghihintay na lang kayong magising isang araw at papasok na kayo. May paghahanda ring ginagawa riyan. Anu-ano nga ba ito?

1. I-reset ang body clock

Ang kabataan ngayon, akala mo sa call center nagtatrabaho – gising sa gabi at tulog sa araw. Bagets pa? Mahilig magpuyat ‘yan! Paano ba naman, masyado silang busy kaka-stalk sa mga crush nila at crush ng crush nila. Dahilan din ng pagpupuyat nila ang pag-aabang sa paglabas ng TV series mula sa Amerika na inaabangan nila na kadalasan sa madaling-araw, oras sa Pilipinas ang paglabas ng mga ito. Kaya ayun sila, nagkakaroon na ng mga naglalakihang eyebags. Kapag pinagsabihan naman sila ng mga magulang nila tungkol sa pagpupuyat, aba ayaw makinig. Gusto pa yatang ipagmalaki ang eyebags nila. Na ayon sa kanila, pinaghirapan nila.

Mga bagets, habang bata pa kayo at habang mayroon pa kayong oras para gawin ito, matulog kayo nang may tamang bilang ng oras at nasa tamang oras. Para naman pagdating ng pasukan, ganado kayo para harapin ang araw-araw ng pag-aaral. Tandaan, walo hanggang sampung oras ang tulog na kailangan para makapag-isip at makagawa nang maayos. Kaya sa nabibilang na araw ng iyong bakasyon, i-reset na ang inyong international body clock! Iayon na ito sa Pilipinas. Mag-ipon ng tulog. Huwag n’yo nang hintayin ang panahon na kapag narinig n’yo ang salitang tulog, pawang masasabi n’yo na lang ay “Tulog? Ano ‘yun? Nakakain ba ‘yon?”

2. Galaw-galaw rin mga ate, kuya

Galaw-galaw sa maraming aspeto. Bumangon na sa higaan, mag-ehersisyo habang may oras pa. Dahil kapag pasukan na, tiyak na mahihirapan kayong isingit ang pag-ehersisyo sa oras n’yo. Hindi n’yo ba napapansin na sa tuwing nakatunganga at nakahiga kayo buong araw, mas lalo lang kayong tinatamad.

Galaw-galaw rin sa aspetong ihanda ang mga dapat ihanda para sa pasukan. Nariyan ang pag-alam sa mga impormasyon patungkol sa iyong pinapasukan na paaralan gaya ng unang araw ng pasukan, bagong schedule sa paaralan, mga kinakailangan dalhin at mga bagong patakaran. Simulan na ring balutin ng plastic cover ang mga bagong notebooks at libro. At ang pinakaimportante, bakit hindi n’yo na rin simulan ang mag-advance reading o ‘yung magbasa-basa ng inyong susunod na lessons. Magandang gawin ito para hindi kayo mahihirapang makasunod sa aralin ng inyong guro.

Mga bagets, hindi na siguro bago sa inyo ang mga nabanggit ko pero ito na nga ang problema, kahit paulit-ulit na sinasabi sa inyo ang mga ito, hirap na hirap pa rin kayong sundin ito. Paalala lang, marahil hindi n’yo pa makita ang importansya nito sa ngayon, pero panigurado kapag hindi n’yo ito nagawa, pagsisisihan n’yo kung bakit nga ba hindi kayo nakinig noon. Pag-aaral ang inyong unang prayoridad sa buhay. Hindi lahat nabibigyan ng ganitong pribilehiyo. Kaya kayong mga sinusuwerteng kabataan, pagbutihin ang inyong pag-aaral.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

Previous articleMaldita Lover (18)
Next articleBisa ng Kasal Na Walang Lisensiya

No posts to display