ANO PO ANG nangyari? Bakit po pinabayaan ng pamahalaan ang kapakanan naming mga OFW sa Saudi? Balita nami’y hindi na tatanggap ng mga domestic helpers ang Saudi Arabia? S.O.S., Philippine government!—Rico ng Tuao, Cagayan
TOTOO NA KAMAKAILAN ay inanunsiyo ng kaharian ng Saudi na hindi sila mag-iisyu ng working visa para sa domestic workers mula sa Pilipinas at Indonesia. Matagal nang isyu ito na pinag-uusapan ng pamahalaan ng Saudi at Pilipinas. Lumalabas na walang nangyari sa negosasyon.
Una, ayaw pumayag ng Saudi sa kahilingan ng pamahalaan natin na ilahad ng Saudi employer ang kanyang profile o background bago pumirma ng kontrata ang DH na Pinoy. Ayon sa Saudi, ito ay paglabag sa privacy nila. Ngunit ayon naman sa Pilipinas, ito ay para matiyak ang proteksiyon ng OFW sa pamamagitan ng pagtiyak na hindi na lang basta-bastang employer ang pinapasukan ng mga kababayan natin. Kadalasan na ang isang Arabiano ay kumukuha ng domestic worker nang wala naman itong sapat na income para pasahurin o suportahan ang DH.
Pangalawa, ipinipilit ng pamahalaang Pinoy ang minimum na $400 sahod para sa ating mga DH. Ang gusto ng Saudi ay $200 lamang. Ang gusto ng Saudi ay masunod ang kanilang gusto sa isyung ito ng sahod dahil iyon lang daw ang kaya ng pangkaraniwang employer. Ang iginigiit naman natin ay batay sa ating pambansang labor standard at gayundin sa mga pandaigdigang standard at kalakaran.
Marami pang isyu ang sangkot sa usaping ito sa pagitan natin at ng Saudi. Ngunit sa tingin ko, sa dalawang isyung ito na itinutulak ng pamahalaang Pilipino, ang ating gobyerno ay hindi dapat bumigay o sumuko. Ang hinihiling natin ay hindi luho o kalabisan kundi ‘yung makatao at makatuwiran lamang. Kapag bumigay tayo sa isyung ito, tunay ngang inilaladlad natin ang kahinaan natin sa mata ng buong daigdig.
Nagawa na nina DOLE Secretary Rosalinda Baldoz, POEA Administrator Carlos Cao at iba pang opisyales ng pamahalaan ang dapat gawin. Nasa Saudi na kung tatanggapin nila ang ating mga makatarungang kahilingan.
Sa isang banda ito ay wake up call sa ating pamahalaan na pagbutihin ang paglikha ng lokal na trabaho at oportunidad para sa ating mga kababayan para hindi na sila mapilitang sumuong sa isang propesyon na matagal nang pinanggagalingan ng abuso — ang pagiging domestic worker sa Middle East, lalo na sa Saudi. Mangangailangan ito ng pagpapaunlad sa ating ekonomiya. At ito ay trabaho ng buong pamahalaan, hindi lang ng DOLE at POEA.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo