BILANG ISANG dating pulitiko – dating Congressman – dapat alam ni Customs Commissioner Ruffy Biazon ang ibig sabihin ng courtesy o kortesiya. Ang isang congressman, bago magpasa ng isang panukalang batas, nagsasagawa muna siya ng pagkunsulta sa kanyang mga tauhan upang kumalap ng kaalaman tungkol sa kanyang ipapanukala. Sa madaling salita, iniimpormahan niya muna ang mga kasamahan niya sa opisina bago siya gagawa ng anumang desisyon.
Pero hindi na nga pulitiko si Biazon at siya ay isa ng makapangyarihang opisyal ng Aquino administration. Hawak niya ang kapangyarihan ng pananalapi bilang pinuno ng pangalawang highest revenue collector para sa kaban ng bayan.
Bilang isa nang Customs Commissioner, ‘di tulad ng dati, sinusuyo na siya ngayon ng lahat ng maimpluwensyang pulitiko na gustong magpapuwesto ng kanilang mga bata-bata para sa iba’t ibang juicy position sa bureau.
At dahil dito, nakalilimutan na niyang magbigay ng kortesiya sa mga kasamahan niya sa bureau partikular na ang mga matataas na opisyal dito.
Kamakailan, nagsagawa ng reshuffle si Biazon sa Customs at ilan sa mga naapektuhan ay mga tauhan ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Danilo Lim. Hindi man lang nagpasintabi si Biazon kay Lim. Bigla na lang nabulaga at nagmukhang tanga ang respetadong dating heneral.
Hindi naman papalag si Lim kung iyon talaga ang kinailangang gawin ni Biazon. Pero ang ‘di tama sa ginawa niya ay hindi man lang niya inimpormahan si Lim para makausap man lang nito at mapaliwanagan ang kanyang mga tauhan na apektado sa reshuffle – ito ay para sa pagrespeto na rin kay Lim bilang magkasama sa parehong tanggapan. Ang tawag dito ay office decorum.
Sakali mang may mga nagawa ang mga tauhan ni Lim na hindi nagustuhan ni Biazon dahilan para sila ay mapalitan, sana isipin din niya na marami rin siyang mga tauhan na nakapaligid sa kanya na ubod ng tiwali.
Huwag magmalinis si Biazon. Huwag niyang sabihin na exempted sa katiwalian ang kanyang mga sariling tauhan.
Tanong pa nga ng isang Customs oldtimer, kung hindi kurap ang mga bata-bata ni Biazon, saan nila kinukuha ang pang-PR nila sa mga congressmen at senador para ‘di pag-initan ang kanilang “tabakuhan”?
Saan din daw nanggagaling ang pinangpi-PR ng mga tauhan ni Biazon para halos araw-araw ay maipalabas ang mga papoging press release nila sa trimedia?
Sinagot din ng nasabing oldtimer ang kanyang mga tanong. Siyempre nanggagaling ito sa mga broker at importer a.k.a. smuggler na araw-araw ay makikitang labas-masok sa kanyang opisina. Baka hindi alam ni Biazon na kada Biyernes, may mga taong tumatara ng per container sa mga broker gamit ang pangalan ng kanyang tanggapan.
Isa pang kabastusang ginawa umano ni Biazon ay nang minsang paghintayin niya umano si Lim sa labas ng kanyang opisina ng ilang oras dahil ayaw niyang magpaistorbo sapagkat kausap niya ang isang umano’y bigtime broker.
Matatandaan nang kauupo pa lamang ni Biazon sa kanyang puwesto sa Customs, kinaladkad ang kanyang pangalan ng ilang mga taong nangolekta ng tara sa mga broker. Bagama’t natigil ito dahil mariin niyang itinanggi na may pahintulot niya ang ginagawa ng mga taong iyon, muling may pumutok na balita na ang isang malapit na kamag-anak naman niya ang nangongolekta umano ng tara para sa kanya. Mariin ding itinanggi ni Biazon ang kumalat na balitang ito.
Ngayon, may kumakalat pa rin na balita sa bureau na isang grupo na pinamumunuan ng babaeng tauhan niya ang kumukolekta ng tara gamit ang pangalan ng Office of the Commissioner.
Shooting Range
Raffy Tulfo