DAPAT PAGSABIHAN ng Malacañang si Department of Agriculture Secretary Proceso J. Alcala na huwag magpadalus-dalos sa pagbitaw ng mga pahayag sa media lalo na kung tungkol sa mga isyu na kapos siya sa kaalaman – tulad ng sa smuggling.
Kamakailan, sa isang interbyu ng media kay Alcala tungkol sa kalahating bilyong pisong halaga ng mga smuggled rice na naharang ng Bureau of Customs sa loob ng Subic Bay Metropolitan Authority, pabirong sinabi niya na makabubuti raw ang rice smuggling dahil makakaragdag ito sa rice stock ng bansa. Matapos makapagbiro, pinagbuntungan niya ng sisi ang mga rice farmer dahil hindi raw ito marunong maging competitive sa pagpepresyo ng kanilang produkto kumpara sa mga imported rice dahilan para magkaroon ng smuggling ng mga bigas.
Ang smuggling ay isa sa mga matagal nang seryosong problema sa ating bansa na bigo ang gobyerno na mabigyan ng solusyon. Taun-taon, daan-daang bilyong piso na dapat sana mapunta sa kaban ng bayan ay napupunta sa bulsa ng mga smuggler, tiwaling empleyado ng Bureau of Customs at pati na ng iba pang ahensiya ng pamahalaan at mga padrinong pulitiko.
ANG RICE smuggling ay salot sa ating mga magsasaka. Ito ang nagpapabangkarote sa karamihan sa kanila. Totoong mas mura ang mga smuggled rice na nanggagaling sa ibang bansa gaya ng China at Vietnam sapagkat nakatatanggap ang mga rice farmer ng mga bansang ito ng subsidy o tulong mula sa kanilang gobyerno. Samantalang ang mga magsasaka natin dito ay walang natatanggap na ayuda sa ating pamahalaan.
Sa Vietnam, halimbawa, kapag napinsala ng bagyo ang mga pananim na palay ng isang magsasaka, babayaran ng gobyerno ang sitenta porsyentong halaga ng mga binhi, abono at pesticide na nagastos niya sa kanyang mga pananim. Bukod dito, bibigyan pa rin siya ng gobyerno ng perang panggastos para sa recultivation ng lupang napinsala ng bagyo.
Dito sa atin, nagpapamudmod ng binhi ang mga lokal na pamahalaan para sa mga nasasakupan nilang rice farmers kapag napurnada ang kanilang pananim dahil sa kalamidad. Hanggang doon lang. At hindi pa lahat ay nabibigyan. Ang nangyayari, dahil halos bangkarote na, mangungutang sila para sa susunod na cropping. Kaya pagdating ng anihan, halos wala na silang kikitain.
MARAMI SA ating mga farmer ang naghihikahos dahil hindi sapat ang kinikita nila sa pagsasaka. Ilan pa nga sa kanila ay ibinenta na lang ang kanilang sakahan kapalit ng pambayad ng placement fee para makapagtrabaho sa abroad bilang OFW.
Tapos ngayon, sasabihin ni Alcala na hindi raw kasi ma-runong makipag-compete sa presyo ng murang imported rice ang mga farmer natin. Parang gusto na yatang patayin ni Alcala ang ating mga magsasaka upang umasa na lang ang ating bansa sa mga pumapasok na murang imported rice.
MAS MABUTI pa kung pagtuunan na lamang ni Alcala ng pansin ang mga nangyayaring katiwalian sa National Food Authority kaysa sa sisihin niya ang mga pobre nating magsasaka.
Makailang beses nang napabalita na may iilang alagang negosyante ang mga taga-NFA at dito lamang nila ibinibigay ang allocation para sa rice importation permit. Ang bidding ay napapabalita ring hina-hao siao.
Kapalit nito, nakatatanggap ng limpak-limpak na suhol ang mga taga-NFA na ito mula sa kanilang mga alagang rice importer.
Makinig sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00PM. Ito ay kasabay na napanonood sa Aksyon TV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo