RAMDAM NA RAMDAM ko ang mga hinanakit at sama ng loob ngayon ng dating First Gentleman Mike Arroyo dahil sa mga kung anu-anong klaseng kaso ang sunud-sunod na isinasampa laban sa kanya at kanyang pamilya.
Isa pa, malamang sa ma-tinding hinanakit ng dating Unang Ginoo ay ang paglutang ng kung sinu-sinong tao para tumestigo laban sa kanila. Ang masaklap, ilan sa mga taong ito ay mismong mga dating malalapit sa kanila.
Oo, alam na alam ko eksakto kung ano ang nararamdaman ngayon ng dating Unang Ginoo dahil naranasan ko rin noon ang nararanasan niya ngayon. May mga pagkakaiba nga lang at mas masakit pa ang dinanas ko noon kaysa dinaranas niya ngayon.
Ilan taon na ang nakararaan nagkaroon ng alitan ang noo’y magkaibigang First Gentleman Mike Arroyo at nakakatandang kapatid kong si Mon. Sa mga unang ilang araw na awayan ng dalawa, agad na nasibak ang programang Isumbong Mo (Tulfo Brothers) sa government controlled TV network na RPN9.
Ang nasabing programa ay kinabibilangan ni Mon, Erwin at ako. Pagkaraan ng ilang linggo, sunod na nasibak ang sarili kong show na Kamao sa NBN4, na isa pa ring government TV station.
Nang kainitan na ng awayan, habang nagsusulat ako sa bago kong nalipatang pahayagan na Bulgar, isang araw, ipinatawag ako ni Mrs. Sison – publisher ng nasabing pahayagan sa kanyang opisina. Ipinaliwanag sa akin ni Mrs. Sison na isang taga-Malacañang ang gusto akong pagpahingahin sa pagsusulat sa Bulgar.
Bagaman panandalian lamang naging amo ko si Mrs. Sison, masasabi kong napakabait niya at napaka-relihiyosa. Madalas niya akong pinagpapayuhan na magdasal para sa aking mga problema. Kaya wala ni katiting na sama ng loob, tinanggap ko ang aking kapalaran at nilisan ang Bulgar.
Kasunod noon, nabalitaan ko na iginagapang ng isang taga-Malacañang na sibakin ang programa kong WANTED SA RADYO (WSR) na noo’y nasa DZXL pa. Dahil siguro sa mga dasal, nanaig ang pagpipirmi ko sa DZXL.
Pero hindi roon nagtapos ang mga pag-uusig sa akin dahil sinundan iyon ng mga pagsasampa ng kaso ng kung sinu-sino laban sa aming magkakapatid at ng kung anu-anong kaso. Ang masaklap pa, ang mga dati kong kakilala ang mga mismong nagsampa ng kaso. Maging si First Gentleman ay nagsampa rin ng kaso laban sa amin.
Ang pinagkaiba nga lang namin ng dating Unang Ginoo noon sa kanyang sitwasyon ngayon ay hindi sila nasibak sa trabaho, bagkus ilan sa kanyang mga kamag-anak ay nasa puwesto pa rin. Isa pa sa pinagkaiba ay ang mga kasong isinampa sa amin ay gawa-gawa lang at walang mga ebidensiya, samantalang ang mga kasong isinasampa sa kanila ngayon, na kung saan ang mga tumetistigo ay mga kakilala rin nila, ay may mga matitibay na ebidensiya na magdidiin sa kanila – ito ay ayon na rin sa ilang mambabatas na tumutulong sa imbestigasyon ng kanilang kaso.
Ang dahilan kung bakit ko isinusulat ito ngayon ay hindi dahil sa ikinatutuwa ko ang sinasapit ni Atty. Mike Arroyo at ng kanyang mga kaanak, kundi dahil nais ko lamang ipaalala sa lahat – tulad ng a-king palaging pagpapaalala sa programa ko sa WSR – na lahat ng gagawin mong pang-aapi sa kapwa, balang araw ay babalik din sa iyong mukha. Kaya huwag mang-api ng kapwa.
Shooting Range
Raffy Tulfo