KUNG DUMAGUNDONG ang tibok ng puso ng maraming kababayan kahapon, Valentine’s Day, umalingawngaw naman sa buong bansa ang halos sabay-sabay na “I Do” ng mga magsising-irog.
Paano ba naman kasi, magkakasabay na isinagawa ang isang mass wedding sa maraming bahagi ng bansa na inisponsoran ng Home Development Mutual Fund na mas kilala bilang Pag-IBIG Fund. At tulad nga ng pangalan nito, pinagbigkis ng ahensiya ang mga puso libu-libong pares na mga miyembro nito, kabilang na ang mga drayber ng mga pampublikong sasakyan, mga kasambahay at mga overseas Filipino workers.
Tinawag na “I Do. I Do. Araw ng Pag-IBIG”, masaya at matagumpay na naisakatuparan ang mass wedding sa SM Mall of Asia at sa iba pang SM Mall sa Baguio, Naga, Bacolod, Cebu, Davao at Cagayan de Oro. Bilang event partner, ipinagamit ng Shoe Mart ang kanilang activity center bilang lugar kung saan ginanap ang pag-iisang-dibdib o muling pagpapakasal ng mga masusuwerteng pares sa seremonyang sibil.
Nagsagawa rin ng mass wedding sa Calamba at Kidapawan na co-sponsor naman ng mga nasabing local government unit na sumusuporta sa misyon ng Pag-IBIG Fund na magkaroon ng mabilis at kung minsa’y libreng pagproseso ng mga kinakailangang dokumento.
Para naman maging espesyal ang nasabing okasyon, nilimitahan naman ang mga pares na lumahok dito para lamang sa mga nakapagpa-rehistro nang maaga. First come, first serve, ‘ika nga.
Sa SM MoA, si Justice Josefina Guevarra-Salonga ang nagbigay ng basbas sa mga bagong kasal. Habang tumayong ninang at ninong sina Pag-IBIG Chief Executive Officer Atty. Darlene Marie Berberabe at Vice President Jejomar Binay na kinatawan ni Pag-IBIG Board of Trustee Ed Lacson.
Nasabi nga ni Atty. Berberabe na, “With this activity, Pag-IBIG hopes to help couples who wish to be married but have no monetary means to do so.”
Inaasahan din nilang kikilalanin ng mga pares na ito ang Pag-IBIG bilang partner sa buhay, bilang mahalagang bahagi ng kanilang buhay sa pagbuo ng pamilya at pagbibigay ng mga pangangailangan nito. Gaya nga ng pagkakaroon ng sariling tahanan, na siya namang nais ng Pag-IBIG na mabigyan ng tahanan ang kanilang pamilya na huhubog sa kanila sa pagdaan ng panahon, ani Berberabe.
Maliban sa pagtulong sa mga magsing-irog na makasal, naging magandang pagkakataon na rin para sa Pag-IBIG na mapalaganap sa mga ito ang kahalagahan ng pinansiyal sa pagsasama at magkaroon ng mas malawak na pagtingin sa konsepto ng pag-iimpok.
Nadagdagan pa ang saya sa nasabing event sa pagsasagawa ng raffle, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga pares sa buong bansa na manalo ng home appliances at ng grand prize na house & lot package mula sa mga acquired assest ng Pag-IBIG Fund na nagkakahalaga ng P400,000.
Dahil nga sa paglapit mismo ng Pag-IBIG sa mga miyembro nito, tulad ng ‘Araw ng Pag-IBIG’, aktibong nakikibahagi ang ahensiya sa pagbubuo ng bansa habang pinalalawak nito ang kamalayan at kakayahan ng bawat miyembro na mag-impok para sa pangangailangan sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Clickadora
Pinoy Parazzi News Service