Dear Atty. Acosta,
NAIS KO PO sanang idulog ang problema ng aking kapatid sa kanyang Birth Certificate. Simula po kasi nang mag-aral siya mula elementary hanggang sa mag-kolehiyo, apelyidong “Ambrona” na ang kanyang gamit, subalit nang kumuha siya sa NSO ng birth certificate niya, ang lumabas ay “Rodriguez” ang apelyido niya. Lumalabas po na ang “Ambrona” na gamit niyang apelyido sa ngayon ay siyang middle name niya sa birth certificate na galing sa NSO.
Maaari po ba siyang mag-file ng late registration gamit ang apelyidong Ambrona sa lugar kung saan siya nakatira? P’wede rin po ba siyang mag-file ng petition na hindi na kailangan pa ng abogado? Maaari rin po bang mapalitan ang apelyido niya sa diploma? Balak din po kasi niyang kumuha ng pasaporte.
Sana po ay matulungan n’yo ang aking kapatid at pagpalain nawa kayo ng Panginoon.
Lubos na nagpapasalamat,
Anthony
Dear Mr. Anthony,
HINDI NA MAAARING magfile ng “late” o “delayed registration” ang inyong kapatid sa kadahilanang mayroon na siyang naunang “record” ng kanyang kapanganakan. Ang “late” o “delayed registration” ay isinasagawa kung hindi agad naparehistro o naipatala ang kapanganakan ng isang tao. Sa pagkakataong ito, bagamat may mga maling entrada, mayroon nang birth certificate na naipatala ang inyong kapatid. Ang remedyo niya ay ipatama ang mga nasabing maling entrada rito.
Ayon sa batas, walang pagbabago ang maaaring isagawa sa mga entrada sa “civil register” kung ito ay hindi pinag-utos ng hukuman, maliban na lamang kung ang mga maling entrada ay bunga ng tinatawag na “clerical” o “typographical errors”. Ang “clerical or typographical error” ay nangangahulugang “…a mistake committed in the performance of clerical work in writing, copying, transcribing or typing an entry in the civil register that is harmless and innocuous, such as misspelled name or misspelled place of birth or the like, which is visible to the eyes or obvious to the understanding, and can be corrected or changed only by reference to other existing record or records: Provided, however, That no correction must involve the change of nationality, age, status or sex of the petitioner.” [Section 1 at Section 2(3) ng Republic Act No. 9048]
Sa inyong salaysay, hindi malinaw kung saan nanggaling ang apelyidong “Rodriguez” at kung ang “Ambrona” ay apelyido ng inyong ina o ama. Ito ay mahalaga sa pagpapasiya kung ang nasabing mga entrada ay “clerical error” o hindi. Kung ang inyong sinasabing pagtatama ay hindi makakaapekto sa estado ng inyong kapatid dahil nagkapalit lamang ang kanyang “middle name” at apelyido, lalo na kagyat na makikita sa kanyang “birth certificate” na ang apelyido ng inyong ama ay “Ambrona” samantalang ang sa inyong ina ay “Rodriguez”, maaaring maglagak na lamang ang inyong kapatid ng kaukulang petisyon sa “local civil registry office” ng lugar kung saan matatagpuan ang nasabing “record”. Subalit kung hindi na praktikal at hindi na kayang bumalik ng inyong kapatid sa nasabing lugar, maaari niyang ilagak ang nasabing petisyon sa “local civil registry office” ng lugar kung saan siya ay naninirahan. (Section 3 ng Republic Act No. 9048) Kailangan niyang patunayan na talagang nagkabaligtad nga lamang ang pagkopya ng kanyang pangalan at ito ay maaari niyang gawin sa pamamagitan ng pagpresinta at pagsumite kasama ng kanyang petisyon ng mga dokumentong magpapatunay nito kagaya ng “baptismal certificate”, “GSIS/SSS record”, employment record at “birth certificate” ng inyong mga magulang at “marriage certificate” ng mga ito. Maaaring humingi pa ng ibang dokumento ang “City/Municipal Civil Registrar” bukod sa mga nabanggit.
Gayunpaman, kung ang pagbabagong nais isagawa ng inyong kapatid sa kanyang “birth certificate” ay may babagu-hing materyal na bagay, gaya ng kanyang estado, ang petisyon upang maiayos ito ay hindi na maaaring tanggapin ng “local civil registry office” bagkus kailangan na itong isampa sa hukuman. Ang ganitong petisyon ay kailangang isampa sa hukuman ng lugar kung saan matatagpuan ang “local civil registry office” kung saan nakatala ang kanyang kapanganakan. (Section 1, Rule 108 ng Rules of Court) Sa pagkakataong ito, kailangan na niya ng serbisyo ng isang abogado.
Matapos maisaayos ang kanyang pangalan sa birth certificate, hindi na kinakailangan pang baguhin ng inyong kapatid ang kanyang mga “records” sa eskuwelahan kung saan siya ay nagtapos, pati na ang kanyang diploma.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta