Iba ang Birthdate sa Birth Certificate

Dear Atty. Acosta,

ANG BUONG petsa ng kapanganakan ko sa aking birth certificate ay mali. Dapat ito ay Setyembre 5, 1987, subalit ang nakarehistro ay Abril 25, 1992. Malaking abala po ang dala nito dahil hindi ako makakuha ng trabaho lalo na po sa ibang bansa. Binalak kong ipaayos ito ngunit napakalaki ng halagang hiningi sa akin. Ano po ba ang dapat kong gawin upang hindi ako mapagastos ng malaki? Umaasa po ako sa inyong pagtugon. Maraming salamat po.

Anna

Dear Anna,

KADALASAN, ANG mga simpleng pagkakamali ukol sa impormasyon ng isang tao na nakatala sa kanyang birth certificate ay maitatama sa pamamagitan ng paghahain ng petition for correction or change of clerical or typographical errors. Ito ay dapat ihain sa city o municipal civil registry office kung saan inirehistro ang iyong kapanganakan, o sa consul general ng ating embahada, kung ikaw ay naninirahan na sa ibang bansa. (Section 3, Republic Act No. 9048)

Subalit sa iyong sitwasyon, hindi namin masasabing ang pagkakamali sa impormasyon ukol sa iyong araw ng kapanganakan ay clerical o typographical na pagkakamali lamang sapagkat malayo ang pagkakaiba ng petsang September 5, 1987 na nakasaad sa iyong birth certificate, kumpara sa petsang April 25, 1992 na, ayon sa iyo, ay ang tunay na araw ng iyong kapanganakan. Dahil dito, masasabi namin na ang pinakamainam mong gawin ay ang maghain ng petition for correction of entry sa Regional Trial Court ng lugar kung saan inirehistro ang iyong tala ng kapanganakan. (Section 1, Rule 108, Revised Rules of Court) Ang prosesong ito ay sinasabing adversarial o kailangan ng masusing pag-susuri ng hukuman. Kung kaya’t mahalaga na gawin mong partido sa petisyong ito ang local civil registrar ng lugar kung saan nakatala ang iyong birth certificate at ang lahat ng taong mayroong interes o maaaring maapektuhan sa pagbabago ng iyong impormasyon sa nabanggit na tala. (Section 3, id)

Matapos mong pormal na maisampa sa hukuman ang iyong petisyon, ipag-uutos ng hukuman ang pagtatakda ng lugar at oras ng pagdinig ng iyong petisyon, gayun din ang pagbibigay-alam sa mga partido ukol sa naitakdang pagdinig. Kailangan din na mailathala ang naturang pagdinig sa pahayagan na pangkalahatan ang sirkulasyon, isang beses sa isang linggo sa loob ng tatlong linggong magkakasunod. Kung mayroon mang nais sumalungat sa iyong petisyon, kailangang pormal na isumite sa hukuman ang kanilang oposisyon sa loob ng labing-limang araw mula sa nasabing paglalathala sa pahayagan. Matapos dinggin ang iyong petisyon ay magpapalabas ang hukuman ng kautusan at ipapadala ng certified copy nito sa local civil registrar upang ito ay ma-annotate sa iyong tala ng kapanganakan.

Nawa’y maayos mo ang maling impormasyon sa iyong petsa ng kapanganakan upang matapos na ang iyong problema at makahanap ka ng nais mong trabaho. Sana rin ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleTotal Make Over
Next articleAlex at Maxene, free again

No posts to display