Iba ang Pangalan Mula Pagkabata

Dear  Atty. Acosta,

DATI AKONG OFW. Umalis ako ng bansa noong 1985 hanggang 2006. Ang aking  pangalan na ginagamit ay Marilyn, mula elementarya hanggang ngayon sa lahat ng papeles at transaksyon ko. Noong 2008, sinubukan kong mag-aplay ulit sa abroad at isa sa mga requirements ay birth certificate mula sa NSO. Lumabas na ang nakarehistrong spelling ng pangalan ko ay Marylene. Ano ba ang dapat kong sunding spelling ng pangalan ko? Kasi sa pasaporte ko ay Marilyn? Kung susundin ko ang nasa birth certificate, ano ang mangyayari sa aking mga papeles? Hindi ba maaapektuhan ang mga ito? Ano po ang dapat kong gawin? 

Mary

 

Dear Mary,

ANG NARARAPAT mong gamitin na spelling ng iyong pangalan ay Marylene at hindi Marilyn sapagkat Marylene ang spelling na nakalagay sa iyong birth certificate. Ang isang mamamayan ay kinikilala ng ating lipunan ayon sa mga impormasyong nakatala sa kanyang authenticated birth certificate na galing sa National Statistics Office (NSO). Kaya naman, mahigpit na ipinapatupad sa ating bansa ang paggamit ng pangalan na nakalagay sa birth certificate ng bawat tao.

Gayunpaman, sa iyong sitwasyon kung saan mula noong mag-aral ka hanggang sa ngayon ay gamit mo ang pangalan na may spelling na Marilyn, maaaring ito na ang gamitin mong pangalan at papalitan na lang ang nakatala sa Local Civil Registry. Hihilingin mo na lamang sa Local Civil Registrar (LCR) kung saan nakarehistro ang kapanganakan mo na palitan ang spelling ng iyong pangalan sa iyong birth certificate. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagsampa ng isang petisyon sa LCR alinsunod sa Republic Act No. 9048 o mas kilala sa tawag na Correction of Clerical or Typographical Error in the Civil Register.

Sa pamamagitan ng RA 9048, ang pagbabago ng first name o pangalan ay maaari nang gawin kahit walang order mula sa hukuman. Kinakailangan na lamang magsampa ng petisyon sa LCR para sa nasabing pagbabago. Subalit, dapat may dahilan ang pagpapalit ng pangalan na naaayon sa Section 4 ng RA 9048.

Ayon sa Section 4 ng nasabing batas:

“SECTION 4. Grounds for Change of First Name or Nickname. The petition for change of first name or nickname may be allowed in any of the following cases:

(1) The petitioner finds the first name or nickname to be ridiculous, tainted with dishonor or extremely difficult to write or pronounce.

(2) The new first name or nickname has been habitually and continuously used by the petitioner and he has been publicly known by that first name or nickname in the community: or

(3) The change will avoid confusion.”

Sa iyong kaso, maaaring ang pangalawa o pangatlong dahilan na nabanggit sa itaas ang gamitin mo sa iyong petisyon upang palitan ang iyong pangalan sa iyong birth certificate. Magagamit mo ang mga dokumentong mayroon ka tulad ng iyong mga papeles sa elementarya at kolehiyo at ang iyong pasaporte bilang ebidensiya na ang ginagamit mo na spelling ng pangalan mula pagkabata ay Marilyn. Sa ganitong paraan, madali mong mapapatunayan sa LCR na ang spelling ng iyong pangalan ay Marilyn. Kung sakaling payagan ng LCR ang pagpapalit ng spelling ng iyong pangalan, hindi mo na proproblemahin pa ang iba mong mga papeles sapagkat naaayon na ito sa iyong birth certificate.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV. 

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleCuriosity Voyage
Next articleAng Ala-Jesse Robredo ng PNP

No posts to display