IBA’T IBANG bersyon ang lumalabas na dahilan kung bakit nilaglag daw ng Malacañang si Nora Aunor bilang National Artist kahit ito pa nga ang nakakuha ng pinakamarming boto mula sa National Commission for Culture and the Arts o NCCA.
Sa kabila ng official statement na nilabas ng Palasyo na ang naging desisyon ay para sa ikabubuti ng lahat, may ilang kuwentong lumalabas na maaaring ang rason daw ay dahil identified kasi ang Superstar noon kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, kung saan galit na galit si Presidente Noynoy Aquino. May ilan ding pabirong nagsasabi na ang malaking pagkakahawig daw ni Ate Guy sa dating Pangulo ng bansa ang maaaring rason din kung kaya’t nalaglag ito.
May ilan namang nagsasabi na baka ang pagiging malapit din sa mga Estrada ang isa sa rason lalo’t kapansin-pansin nga raw ang pamemersonal at pamumulitika ng administrayong Aquino sa mga Estrada at Ejercito.
Nauna nang kumalat na balita na kaya raw nalaglag si Ate Guy ay dahil daw nilakad ni Kris Aquino ang pagiging National Artist ni Dolphy dahil matalik na kaibigan daw ng kontrobersyal na TV host si Zsa-Zsa Padilla, long time live-in partner ng Comedy King.
Para sa amin naman, karapat-dapat din naman ang nasabing karangalan ang Hari ng Komedya katulad ng Superstar, kung ang pagbabasehan ay ang dami ng kontribusyon nito sa industriya ng Pelikulang Pilipino.
Sa ngayon, galit at naghihimagsik ang kalooban hindi lang ng mga Noranians kundi ng mga taga-NCCA at mga taga-industriya na naniniwalang karapat-dapat na ipagkaloob kay Ate Guy ang mataas na karangalan. May ilan tuloy ang nagsasabi na kung lumusot daw si Pangulong Noynoy sa ilang maling desisyon nito, baka hindi raw sa sa nangyari kay Ate Guy na mahal at nirerespeto ng showbiz industry na nakatulong nang malaki kung bakit naluklok sa puwesto ang kasalukuyang Pangulo.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA