MALAKAS ANG ULAN. Buhol-buhol ang trapik kahit saan. Sa layo ng Binangonan, Rizal na biniyahe namin ng magaling na action star na si Phillip Salvador nu’ng nakaraang Sabado nang hapon ay meron pa kaya kaming makakaligtaang paksa para mapagkuwentuhan?
Ang dami-dami naming pinagsaluhang kuwento ni Kuya Ipe, isa sa iilang sinserong artistang nakilala-nakalapit namin ang kalooban, kasama na ang pabugso-bugsong pagpaparamdam sa kanya ng yumao niyang bestfriend na si Rudy Fernandez.
Hanggang sa kabilang buhay, banggit ni Phillip Salvador, ay mapagbiro pa rin ang kanyang kaibigan. Marunong tumiyempo si Daboy, kung kailan nakaupo sa “Malacañang” (pumupupu) si Kuya Ipe ay saka naman ito umeeksena.
“Pareho kami ni Daboy, kapag pumupupu kami, kailangang may katabi kaming tabo. Hindi kumpleto ang pagpupu namin nang walang tabo. Ayaw namin sa tissue paper, parang ang dumi-dumi pa rin kasi kapag ‘yun lang ang parapernalya mo sa paghuhugas ng pagpupu,” simulang kuwento ng kalbong Phillip Salavador ngayon dahil siya ang gumaganap bilang Lizardo sa makasaysayang Panday na pinagbibidahan ni Senador Bong Revilla.
‘Yun mismong walang kamuwang-muwang na tabong ‘yun ang ginagamit ni Daboy sa pagpaparamdam sa kanya. Walang hangin sa loob ng banyo, nakapatong nang maayos ang tabo sa ibabaw ng isang plastic drum na imbakan ng tubig.
“Nahuhulog ang tabo, kitang-kita ko ang pagbagsak kahit wala namang hangin sa loob ng CR. Alam mong may nagbibiro, alam mong may naglalaro sa iyo.
“Sino pa ba ang magpaparamdam ng ganu’n kundi si Daboy na sa totoong buhay, e, napakamapagbiro? Kapag ganu’n na ang ginagawa niya, kinakausap ko siya. ‘Bestfriend, alam kong ikaw ‘yan! I love you!’
“Ilang beses na niyang ginagawa sa akin ang ganu’n, talagang bumabagsak ang tabo sa panahong alam mong walang dahilan para bumagsak ‘yun dahil napakaayos ng pagkakapatong sa plastic drum,” pag-alala ki Kuya Ipe.
SIYA ANG TALAGANG saksi sa matinding paghihirap ni Rudy Fernandez bago ito binawian ng buhay. Sila ni Lorna Tolentino ang nasa tabi mismo ng naghihingalong si Daboy, nakita niya ang paglobo ng katawan nito ilang oras bago tuluyang napugtuan ng hininga, kaya ganu’n na lang ang epekto ng pagkamatay ng action star para sa kanya.
“’Yung pinakamatinding sigaw ng isang taong nasasaktan, narinig ko na ‘yun. Nagdasal kaming dalawa, alam kong nakikinig siya sa dasal ko, dahil tumatahimik siya.
“Kapag nag-iisa na lang ako at naaalala ko si Daboy, hindi ko mapigilan ang pag-iyak. Napakasakit mawalan ng kaibigang kasama mong kumakain sa isang pinggan lang, ng isang kaibigang laging bukas ang tenga sa pakikinig sa iyo kapag problemado ka,” napapailing na kuwento ni Kuya Ipe.
Apat silang magkakaibigang karnal, kung saan nandu’n ang isa sa kanila, siguradong kasunod na ang tatlo pa. Kung ano ang sakit sa kanya ng pagkawala ni Daboy, siguradong ganu’n din ang nararamdaman nina Senador Bong at Senador Jinggoy Estrada.
NU’NG DUMATING KAMI sa destinasyon (sila nina Jose Sarasola at Janna Dominguez ang naging panauhin sa inagurasyon ng bagong sangay ng Bodega Ng Bayan ni Enrico Roque sa tapat ng palengke ng Binangonan) ay ganu’n na lang ang pagkakagulo ng mga kababayan natin nu’ng bumaba na siya sa sasakyan.
Hindi na halos siya makalakad dahil niyayakap-kinakamayan siya ng mga nandu’n, isinisigaw ng mga ito ang kanyang pangalan, napakabait ng kapalaran sa taong ito.
Kung anu-anong paninira na ang inabot niya, bininyagan na siya ng apoy sa kung ano-anong kasong isinampa laban sa kanya, pero walang pakialam ang publiko sa mga ganu’ng paninira.
Siya pa rin ang Phillip Salvador na tinututukan ng bayan ang bawat pelikula, siya pa rin ang action star na pinag-iipunan ng mga manggagawa ang bawat proyekto, siya pa rin si Phillip Salvador na kung gumanap sa harap ng mga camera ay parang wala nang bukas pa.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin