“LOLO, SI DE Lima po ba ang ating Pangulo?” Inosenteng tanong ng paslit kong apo na Grade VII sa Ateneo. ‘Di ko sinagot. Sa halip, binigyan ko siya ng pambili ng text load. At kumaripas na siya ng takbo.
Ngunit habang nagmamaneho ako papunta sa isang coffee shop, tagpuan naming mga kritiko ng lahat ng bagay sa mundo, ay namuni-muni ko ang tanong ng aking apo.
Mukha nga. Sapagkat halos araw-araw ay laman ng media si De Lima. Dala ang aksyon at reaksyon niya sa mga burning issues. Mabilis sumagot. Matapang. Decisive. Minsa’y mali, minsa’y tama. Ngunit always making a stand. Namuni-muni ko.
Sa lahat ng gabinete ni P-Noy, si De Lima ang nagniningning. Ito ang ulat ng mga kilalang survey groups kamakailan. Ninety percent ng cabinet members ay hindi kilala. Aber, sino ang DAR Secretary? O, bilis… ang sagot. Ngayon nagkakamot ka na ng ulo. Ganyan ang situwasyon. Tila si De Lima ang virtual President na ang bawat salita, mali man o tama, ay pinakikinggan ng madla na nagugutom sa decisive leadership at political will. Medyo napuri ko sa aking isip ang aking apo.
Sa malalim kong pananaw, dapat si P-Noy ay maghanap pa ng cabinet official na may kalibreng De Lima. ‘Yung tatlong ulo sa kanyang Communications Group, tagpasin na. Novato. Sabay-sabay nagsasalita ng conflicting statements. At ang laging casualty ay ang Pangulo. ‘Yung Deputy Spokesperson, naku, napaka-antipatika ang dating. Balita, nagpa-make-over ng mukha kay Vicki Belo. Subalit lalong naging antipatika ang dating. Mga pahayag, walang substance. Lahat, motherhood statements. Walang mapakinabang ang media at publiko. Tinatamad na ba si Lacierda?
Ngunit, malapit na ang 2013 senatorial elections. Totoo ba’ng ibinulong ng aking apo, Secretary De Lima?
Quip of the Week:
Tanong: “Bakit ‘pag minsa’y nakasimangot si Gat Jose Rizal sa monumento niya sa Luneta?”
Sagot: “Sapagkat hanggang ngayon hindi pa na-appropriate ng Kongreso ang ibabayad sa taong magpapayong sa kanya.”
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez