Ikinasal Nang Wala sa Hustong Gulang

Dear Atty. Acosta,

 

LABING PITONG taong gulang ako noong magpakasal kami sa Huwes ng naging asawa ko. Mula sa paaralan ko ay diretso po kami sa sinasabi niya na magkakasal sa amin. Pagdating namin ay kasal agad. Walang ibang papeles o requirements na hinanap. Ang babaeng napangasawa ko ay 22 taong gulang naman. Dinaya po ang edad ko.

Matagal na po kaming hiwalay ng asawa ko sa madaming kadahilanan. Sa ngayon po ay may kanya-kanya na kaming buhay. At gusto ko na rin pong magpakasal sa kinakasama ko. Gusto kong mapawalang-bisa ang nauna kong kasal. Declaration of Nullity of Marriage po ba ang dapat kong i-file? Puwede po ba akong kumuha ng PAO lawyer?

 

Gumagalang,

Rob

 

Dear Rob,

 

BAGO ANG lahat, mahalagang malaman mo na ang mga sumusunod na essential at formal requisites ay dapat na mayroon sa isang kasal upang ito ay magkaroon ng bisa:

  1. Essential requisites: 1. Legal capacity of the contracting parties who must be a male and a female; 2. Consent freely given in the presence of the solemnizing officer. (Article 2, Family Code)
  2. Formal requisites: 1. Authority of the solemnizing officer; 2. A valid marriage license except in the cases provided for in Chapter 2 of this Title; 3. A marriage ceremony which takes place with the appearance of the contracting parties before the solemnizing officer and their personal declaration that they take each other as husband and wife in the presence of not less than two witnesses of legal age. (Article 3, Family Code)

Ang kawalan ng isa man sa mga nabanggit na essential at formal requisites ay magdudulot ng kawalan ng bisa ng kasal. Ito ay tinatawag na void ab initio marriage. (Article 4, paragraph 1, Family Code) Kaugnay nito, ayon sa Article 35, numbers (1) and (2) ng Family Code:

“Art. 35. The following marriages shall be void from the beginning: (1) Those contracted by any party below eighteen years of age even with consent of parents or guardian;x x x (3) Those solemnized without license, except those covered by the preceding Chapter; x x x”

Ayon sa iyo, ikaw ay 17 taong gulang lamang noong ikaw ay magpakasal. Kung gayon, maaaring sabihin na ikaw ay wala sa hustong gulang noong ikaw ay magpakasal. Maaari rin na walang marriage license sapagkat ayon din sa iyo, wala kayong isinumiteng dokumento noong kayo ay ikasal. Dahil dito, ang iyong kasal ay walang bisa. Sa pagkakataong ito, kinakailangan mong magsampa ng kasong Petition for Declaration of Nullity of Marriage sa hukuman upang mapawalang-bisa ang iyong kasal lalo na’t gusto mong pakasalan ang bago mong kinakasama. Dapat mong pakatandaan na kahit walang bisa ang isang kasal, kinakailangan munang maideklara itong walang bisa ng hukuman bago makapagpakasal muli ang isang taong kasal na. (Article 39, Family Code)

Kung ninanais mong humingi ng serbisyong legal sa aming tanggpan sa paghain ng nasabing kaso sa hukuman, maaari kang sumadya sa aming Regional o District Office sa inyong lugar na kalimitang matatagpuan sa Municipal or City Hall o sa Hall of Justice ng inyong lugar. Pakidala na lamang ang mga dokumentong maaaring magamit na ebidensiya.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleGaling ng Pinoy, Ipagmalaki Natin
Next articleIpinahamak Ni Luistro!

No posts to display