Ikinasal sa Amo Nang Hindi Alam

Dear Atty.Acosta,

 

NANILBIHAN AKO bilang katulong sa isang lalaking Indiano noong 2005. Labinsiyam na taong gulang ako dati. Hindi po ako nakatagal sa kanya sapagkat pinagmamalupitan po niya ako. Pagkaalis ko roon ay nabuntis ako ng aking kasintahan at balak na naming magpakasal. Ngunit noong kumuha na ako ng kopya ng CENOMAR ay lumabas na ako ay kasal na sa aking dating amo noong ako ay nanilbihan sa kanya. Hindi po totoo ang nakasaad sa CENOMAR dahil hindi pa ako ikinakasal. Ano po ba ang gagawin para mawala ang rekord ng kasal na iyon sa NSO?

 

Fely

 

 

Dear Fely,

 

ANG CENOMAR o Certificate of No Marriage na kinukuha sa National Statistics Office (NSO) ay isa sa requirements bago bigyan ang magkasintahan ng marriage license upang makapagpakasal. Sa CENOMAR makikita kung ang aplikante para sa marriage license ay ikinasal na. Sa iyong kaso, lumabas sa kinuha mong CENOMAR na ikinasal ka sa iyong among Indiano noong ikaw ay naninilbihan pa bilang kasambahay sa kanya. Ngunit, ayon sa iyo, ay wala talagang naganap na kasalan.

Isa sa essential requisites upang magkaroon ng bisa ang isang kasal ay ang pagkakaroon ng marriage ceremony kung saan ay sasabihin ng magkasintahan sa harap ng solemnizing officer o nagkakasal at sa kanilang saksi na tinatanggap nila ang isa’t-isa bilang mag-asawa (Article 3, Family Code). Kapag walang seremonya na naganap, ang kasal ay walang-bisa (Article 4, Family Code). Sa kadahilanang ito, maaari mong hingin sa korte ang pagpapawalang-bisa ng iyong kasal sa pamamagitan ng pagsampa ng isang Petition for Declaration of Nullity of Marriage. Hindi matatanggal ang rekord ng iyong kasal sa NSO, ngunit kapag ito ay napawalang-bisa na, ipag-uutos ng korte na lagyan ng kaukulang annotation na ang nasabing kasal ay null and void.

Ang amo mong Indiano ay kinakailangang mabigyan ng kopya ng petisyon. Sa pagkakataong ito, makabubuti muna kung pumunta ka sa Bureau of Immigration upang alamin kung ang dating amo mo ay nandito pa sa ating bansa. Kung siya ay nandito pa, ang petisyon ay maipapaalam sa kanya sa pamamagitan ng paglalathala nito sa pahayagan na umiikot sa Pilipinas minsan sa isang linggo sa loob ng dalawang buwan (Section 6, Rules on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages, AM No. 02-11-10-SC). Kapag nasa ibang bansa naman siya, maaaring ipagbigay-alam ang petisyon sa pamamagitan din ng paglalathala nito sa lugar na ipag-uutos ng korte (Section 15, Rule 14, Rules of Court). Dagdag pa rito, kailangan na magpadala ng petisyon sa huling address ng iyong dating amo.

Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleALS Ice Bucket Challenge, Go?
Next articleAlegasyon sa mga Binay

No posts to display