Dear Atty. Acosta,
IKINASAL AKO SA isang Amerikano noong nakaraang taon. Pagkatapos ng aming kasal ay nalaman kong kasal pa rin ang aking asawa sa kanyang asawang taga-Valenzuela. Ngayon po ay hiwalay na kami ng aking asawa. Gusto ko na pong ipawalang-bisa ang aming kasal dahil kasal pa pala siya ng ako’y pinakasalan niya. Niloko po niya ako. Ano po ang gagawin ko. Mae
Dear Ms. Mae:
ANG KASAL AY isang sagradong seremonya kung saan ang dalawang partido, ang lalaki at babae, ay nagpapahayag sa harap ng nagkakasal at ng mga saksi na sila ay magsasama sa hirap at ginhawa habang buhay. Sadyang walang pinipili ang pag-ibig. Ito ay hindi namimili ng edad, relihiyon, kultura o maging nasyonalidad.
Ikaw ay umibig sa isang Amerikano. Batid namin na ibinigay mo ang iyong tapat na pag-ibig sa kanya at umasa ka na siya na ang makakasama mo habang buhay. Ngunit naging mapait ang mga sumunod na kabanata sa inyong pag-iibigan ng iyong asawa. Nalaman mo na kasal pa pala siya nang ikaw ay kanyang pinakasalan.
Ang kasal mo sa iyong asawang Amerikano ay tinatawag na bigamous marriage. Ang bigamous marriage ay kasal sa pagitan ng mga partido, kung saan ang isa o silang dalawa ay kasal pa sa ibang tao at ang kasal na iyon ay hindi pa napapawalang-bisa. Ito ang basehan ninyo para mapawalang-bisa ang inyong kasal. Ang batas na sumasaklaw rito ay ang Artikulo 35 (4) ng Family Code.
Ayon sa artikulong nabanggit: “The following marriages shall be void from the beginning: xxx (4) Those bigamous or polygamous marriages not falling under Article 41.”
Para mapawalang bisa ang kasal mo base sa Artikulo 35(4) ng Family Code, nararapat na magsampa ka ng Petition for Declaration of Nullity of Marriage. Ang petisyong ito ay maaaring isampa sa Regional Trial Court ng lugar kung saan ka nakatira. Hihilingin mo sa iyong petisyon na ipawalang-bisa ng hukuman ang kasal ninyo ng asawa mo.
ANG “PUBLIC ATORNI”, isang reality mediation coverage ng TV 5, ay inyong mapapanuod kada Huwebes ng gabi pagkatapos ng “Aksyon Journalismo”.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta