Ikinasal sa Menor

Dear Atty. Acosta,

AKO PO ay ikinasal ng Mayor ng aming bayan noong ika-10 ng Hunyo 1983. Ang edad po ng aking asawa ay maglalabing walong (18) taon pa lamang at ako po naman ay may 44 na taong gulang na.

Ang kasalang ito ay nasaksihan at may consent ng magulang ng aking asawa. Ang nakarehistro sa aming Marriage Certificate ay 23 taon gulang siya at ako naman ay may 38 taong gulang. Nais ko pong malaman kung may bisa po ba ang kasal naming ito. Kung may bisa po ang kasal na ito ay paano po ba maitatama ang entry ng aming mga edad sa Marriage Certificate upang hindi magkaproblema sa hinaharap? Kung ito ay walang bisa, ano po ba ang tamang gawin para ito ay mailagay sa tama?

Eduardo

 

Dear Eduardo,  

ANG BATAS na umiiral patungkol sa pag-aasawa o pagpapakasal noong panahong ikaw ay ikinasal sa iyong asawa ay ang New Civil Code of the Philippines. Sang-ayon sa batas na ito, kinakailangang may edad na labing apat (14) na taon pataas ang babaeng magpapakasal at labing anim (16) pataas naman ang edad ng lalaking magpapakasal para ito magkabisa o maging balido. (Article 54, New Civil Code of the Philippines)

Kinakailangan din para sa isang mabisa at balidong kasal, sang-ayon sa nasabing batas, na malaya at kusang-loob na ginawa ng dalawa ang pagsang-ayon sa kasal, gayon din ang pagkakaroon nila ng “marriage license” at ang pagtataglay ng lehitimong kapangyarihan para magkasal ng taong nagdaos ng seremonya ng kasal. (Article 53, New Civil Code of the Philippines)

Sang-ayon sa iyong salaysay, ang iyong asawa ay maglalabing walong taong gulang na nang kayo ay ikinasal, kung ganu’n maaari nating ipalagay na siya ay nasa tamang edad na, sang-ayon sa nabanggit na batas, para magpakasal. Kaugnay nito, kung ang iba pang mga reglamentong itinatakda ng batas ay nasunod, ang iyong kasal sa kanya ay may bisa.

Patungkol naman sa iyong katanungan kung papaano maisasatama ang iyong edad at ng iyong asawa sa inyong “Marriage Certificate”, ito ay magagawa sa pamamagitan ng paghahain ng petisyon sa tanggapan ng local civil registrar alinsunod sa R.A. 9048 o mas kilala bilang “Clerical Error Law”. Subalit hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaaring gawin ito, kung ang maling entrada ay patungkol sa edad, kasarian, “civil status” o “nationality” ng isang tao, kailangang maghain ng petisyon sa korte para maitama ito. Ang mga maling entrada sa inyong Marriage Certificate ay masasabing isang “clerical” o typographical error” kung saan ito ay maaaring maiwasto sa pamamagitan ng paghahain ng petisyon sa tanggapan ng Local Civil Registrar kung saan nakarehistro ang iyong kasal sa iyong asawa o sa lugar kung saan kayo nakatira. (Rule 4, Implementing Rules and Regulation of RA 9048) Kailangan lamang magpakita ng mga dokumento na nagtataglay ng tamang kapanganakan ninyong dalawa tulad ng Birth Certificate, Baptismal Certificate at iba pang kahalintulad na dokumento.

Nawa ay natugunan namin ang iyong mga katanungan.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV. 

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleColorado
Next articleAng Panganib sa footbridge

No posts to display