MARAMI ANG hindi nakapuna sa pagkawala ng mga palaboy sa kahabaan ng Bay walk sa Roxas Boulevard noong mga araw na nandito sa bansa si Pope Francis. Kung hindi pa ito inilabas sa media ay hindi ito mapapansin nang ganito. Marahil ay dala ng walang puknat na selebrasyon at pagkamangha ng maraming Pilipino sa presensya ng Santo Papa, kaya tila hindi kaagad napansin ito ng karamihan. Bakit nga kaya nila tila ikinubli ang mga “yagit” kung ituring ang mga tao na taga-Manila Bay, sa pagdating ng pinakamataas na pinuno ng simbahang Katolika?
Kung pakikinggan naman natin ang paliwanag ni Department of Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman sa isyu na ito, mas lalo pang nag-init ang ulo ng karamihan dahil sa paliwanag nila tila minamaliit ang kakayahang mag-isip ng mga tao.
Una, bakit naman nila bibigyan ng ganoong uri ng training ang mga taong ito na wala ngang matirahan kaya sila nagpapalaboy sa Manila Bay? Pangalawa, bakit itinaon ang “training” sa panahon na nandito si Pope Francis? Pangatlo, bakit kailangang i-check-in sila sa mamahaling resort sa Batangas? At pang-apat, kung totoo man itong pinagsasabi ng DSWD, bakit nasentro at limitado lamang ang mga pamilya na ito sa mga palaboy na gumagala sa Manila Bay?
Nakaiinsulto na nga kung papatulan natin ang tila “big joke” na ito ng gobyerno na pilit nilang ipinaiintindi sa atin. Para yatang mga paslit sa kalye ang turing ng gobyerno sa atin na inaakala nilang mauuto nila sa bawat panlolokong ginagawa nila. Malinaw pa sa sikat ng araw ang motibo ng pamahalaan sa pagkukubli ng mga yagit sa kalye at pagdadala sa mga ito sa isang mamahaling resort.
TALAGANG MAPAGLARO ang tadhana at lagi nitong binabaligtad ang mga pangyayari sa buhay. Noong panahon ni Ferdinand Marcos, ang nangungunang kritiko nito ay ang ama ni PNoy. Binabanatan ni Ninoy noon ang ginagawang pagkukubli ni Marcos sa mga naghihirap na pamilya, lalo’t tuwing may mga dayuhang bisita ang bansa natin. Ngayon, napaka-“ironic” na ang anak naman ng diktador na pangulong si Ferdinand Marcos, na si Sen. Bongbong Marcos ang bumabatikos sa anak ng dating tagabatikos.
Hinihingan ni Senator Bongbong Marcos ng paliwanag ang administrasyon ni PNoy sa pagpapadala nito ng mga taong palaboy sa isang resort at tila pagkukubli ng katotohanan sa kalagayan ng mga pamilyang maralita sa mata ng Santo Papa. Siya naman ngayon ang bumabatikos sa gobyernong Aquino sa isyung minsan ay ipinukol din sa kanyang ama.
Hindi kaya bumangon ang mga magulang ni PNoy mula sa pagkakahimlay para ipaalala sa kanya ang mga ipinaglalaban nila sa panahon ng diktaduryang Marcos? Napapaisip ang maraming tao na tila nagiging taliwas si PNoy sa mga prinsipiyong minsang humamon sa diktadurya ni Pangulong Marcos at nagpabalik ng demokrasya sa Pilipinas.
ANG TUNAY na pagtulong sa mga kapus-palad nating kababayan ay masasalamin sa motibo ng gobyerno. Kung ginagawa lang ito ng pamahalaan para magpabango at magpapogi ay parang ginagamit din lang nila ang mga mahihirap. Kung talagang taos-puso ang pagtulong ng gobyerno, sana ay isang permanenteng hakbang ang kanilang ginawa para sa pag-aalis ng mga palaboy na pamilya sa Manila Bay. Isang maayos na relokasyon sa pabahay at trabahong magbibigay sa kanila ng bagong buhay. Sa ganitong paraan ay tiyak na permanenteng mawawala na ang mga palaboy na pamilya sa Manila Bay.
Sana ay maisabuhay nating lahat ang iniwang aral ng Santo Papa. At sana rin ay maging kabahagi natin sa pagsasabuhay ng mga aral na ito ang ating Pangulo at iba pang mga namumuo sa atin. Wala naman talagang mali kung tutuusin, sa ginawang pagdadala ng gobyerno sa mga mahihirap na palaboy sa Manila Bay, sa isang resort para sila roon ay turuan at magbakasyon na rin. Dapat lang ay malinis ang motibo ng pamahalaan at ito’y masusundan pa ng tuluyang pagbibigay sa kanila ng bagong tirahan.
Ang perang ginamit sa proyektong ito ay maaari sanang idinagdag na lang sa pagpapatayo ng pabahay para sa mga gaya nilang natutulog lamang sa lansangan. Maaari ring pasimulan ang isang proyektong pabahay para mismo sa mga palaboy na pamilya sa Manila Bay. Dito mas makikita ang tunay na sinseridad sa pagtulong. Hindi natin dapat ikubli, ikahiya o itago ng pamahalaan ang mga taong ito. Mas dapat ay ilantad ng gobyerno ang kanilang kahirapan para magkaroon tayo ng pagkakataong matulungan ang mga palaboy na pamilyang ito.
PARA SA mga kababayan nating Katoliko at maging sa mga nabibilang sa ibang relihiyon, nakagagalak na malamang pinahahalagahan ng ating pamahalaan ang pagbisita ni Pope Francis sa ating bansa. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ay ang sinseridad sa pagpapahalaga at pagtulong. Ang tunay na ninanais ni Pope Francis ay makita ng pamahalaan natin ang damdaming tumulong at baguhin ang buhay ng mga mahihirap nang may sinseridad sa isip, puso at gawa.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo