Iligal na demolisyon sa Malabon; at jueteng sa Antipolo, leyble!

 

HINDI MALAMAN NG mga residente sa Lamcota, Sitio Sto. Niño, Brgy. Concepcion, Malabon City kung talagang likas na “tanga” itong si Engr. Carla Bartolo.

Ang iba naman ay naniniwala na nagtatanga-tangahan lamang ang animal na ito para maisulong ang pansariling katarantaduhan!

Aba eh, kundi ba naman kapos ang pang-unawa eh, sukat ba namang iniumang ang demolisyon sa nasabing lugar na hindi muna pinag-aralan o binasa man lang ang batas!

Maliwanag, parekoy, sa Urban Development Housing Act (UDHA) of 1992 na hindi maaaring magsagawa ng demolisyon kung hindi muna: 1) Makipag-dayalogo sa mga naninirahan upang mapag-usapan ang mahahalagang bagay gaya ng relocation; 2) Patunayan muna na may proyektong nakatakda nang ipatupad sa nasabing lugar; at 3) Magbigay muna ng 30 araw bago ang demolisyon.

Sa kaso ng Lamcota, hindi man lang nakipag-ugnayan si bertuldo… eheste, Bartolo. Hindi man lang pinatunayan kung may proyekto ngang nakatakda nang ipatupad sa nasabing lugar, at…

Labinlimang araw lang ang ibinigay na palugit!

Ito, parekoy, ang dapat tandaan ni bertuldo… eheste, Bartolo… kapag ipinilit niya ang gawaing labag sa batas ay may paglalagyan siya!

Maliligo ka ng asunto sa Ombudsman na hinayupak ka!!!

MARIING ITINATANGGI NI Mayor Danilo Leyble na laganap ang iligal na sugal sa Antipolo City.

‘Yan, parekoy, ang ipinaabot sa atin ng isang konsehal ng nasabing lungsod.

Kaya lang nang tinawagan natin si Konsehal para kumpirmahin eh, inihit ito ng tawa. Susmaryosep naman bossing, hindi na lang kami sumasagot kay Mayor at baka mapahiya siya.

Paanong sasabihin niya na walang Jueteng dito sa Antipolo, gayung alam na alam ni Mayor Leyble kung gaano ka-talamak ‘yan dito sa amin!

Isa pa, mismong si Mayor ay alam niya na ang mga kaibigan niyang sina Ben Polo at Mike Rosales ang mga Jueteng lord dito!

Kalat nga bossing ang tsismis dito sa amin na mismong si Mayor ang kasosyo nina Polo at Rosales…

Na ang tunay na dahilan ng pagka-kape nila palagi ay para alamin mismo ni Mayor kung magkano ang kanyang dibidendo!

‘Yan, parekoy, ang maliwanag pa sa sikat ng araw na pagbubulgar sa atin ni Konsehal.

Na sa totoo lang, halos natutukso na akong maniwala dahil hanggang ngayon ay patuloy na namamayagpag ang nasabing Jueteng sa Antipolo!

Alin? Kung ako ang mayor at hindi totoo na ako ay kasosyo sa nasabing iligal na gawain?

Ipasasalakay ko ‘yan sa mga pulis!

Ora mismo!

MAKINIG SA AKING programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleKontrata muna bago medical exam
Next articleAnton at Daniela

No posts to display