BALAK KO pong kasuhan ng illegal recruitment ang ahensiyang pinag-aplayan ko dahil mataas ang siningil sa akin at iba ang trabahong nasa kontrata at nadatnan ko. Pero nang i-check ko ang website ng POEA, lisensiyado po pala ito. May magagawa pa po ba akong paraan para maparusahan ang ahensiyang ito? – Diony ng Calapan, Mindoro
MERON. ANG isang ahensiya ay puwedeng sampahan ng kasong illegal recruitment kahit pa ito ay lisensiyado kung gumagawa naman ito ng mga bagay na illegal. Narito ang ilang gawain na maituturing na illegal recruitment: 1) Paniningil sa manggagawa ng placement fee o iba pa na labis sa itinatakda ng batas; 2) Pagpapalathala ng mga anunsiyo na may maling impormasyon na nagliligaw sa aplikante; 3) Pagbibigay ng mga maling impormasyon para lang makakuha ng lisensya; 4) Panghihikayat sa mga manggagawa na magpalit ng employer, liban na lamang kung ang paglilipat ay dahil abusado ang employer; 5) Impluwensiyahan ang sinuman na i-reject ang application ng aplikante dahil lang ito ay hindi dumaan sa kanyang ahensiya; 6) Pagpapadala ng mga manggagawa sa mga lugar na masama para sa kalusugan o moralidad ng manggagawa.
Marami pang illegal recruitment activities ang maaaring isagawa ng isang ahensiya, lisensiyado man ito o hindi, ang ilalathala natin sa susunod kong kolum.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo