Dear Atty. Acosta,
AKO PO ay matagal nang nangungupahan sa isang apartment dito sa Sampaloc, Manila. Regular naman po ang pagbabayad ko ng buwanang renta sa halagang P4,000. Subalit kamakailan lang, pumunta sa amin ang may-ari ng apartment at sinabing magtataas daw siya ng P1,000 sa buwanang renta. Ako po ay nagulat sa sinabi niya dahil sobrang laki naman po ng itinataas niya sa renta at sinabi pang kung hindi kami papayag ay maghanap na lamang kami ng malilipatan. Tama po ba ang gagawing pagtataas sa renta ng may-ari at ang pagpapaalis sa amin kung hindi kami mapapayag dito?
Mang Ruben
Dear Mang Ruben,
ANG PAGTATAAS ng renta ng may-ari ng inuupahan ninyong apartment ay mahigpit na ipinagbabawal ng Republic Act No. 9653 o ang “Rent Control Act of 2009” sa loob ng isang taon mula nang ito ay maging ganap na batas. Ang panahong ito ay hindi pa lumilipas kung kaya hindi maaaring magtaas ng renta ang may-ari ng nasabing apartment. Kung sakali namang natapos na ang panahong ito, pinapayagan lamang ng batas ang pagtataas ng renta sa halagang hindi lalagpas o tataas sa 7% ng buwanang renta sa loob ng isang taon. (Section 5, RA 9653)
Sa ganitong pagkakataon, ang balaking pagtataas ng renta ng may-ari ng apartment kung saan kayo nakatira ay hindi naaayon sa batas. Ang kanyang banta na papaalisin kayo kung hindi ninyo susundin ang rentang kanyang itinakda ay hindi rin makata-rungan at walang basehang legal kung kaya wala kayong dapat na ipangambang kayo ay mawawalan ng tirahan sa sandaling hindi ninyo tugunin ito. Tanging ang mga itinakdang kadahilanan lamang ng batas ang maaaring maging basehan upang kayo ay mapaalis sa nasabing apartment at hindi nakasaad dito ang hindi pagbabayad ng ilegal na pagtataas sa renta.
Kung sakaling hindi tatanggapin ng may-ari ang ibabayad mong renta dahil hindi ito naaayon sa kanyang itinakdang halaga, maaari mo itong ideposito sa alin man sa mga sumusunod: sa korte, sa tanggapan ng City/Municipal Treasurer o Barangay Chairman, o sa bangko. Ito ay dapat na nakapangalan sa may-ari ng apartment at dapat ay may sapat siyang abiso patungkol dito. Maaari mo itong gawin sa loob ng isang (1) buwan pagkatapos tanggihan ang iyong upa ng may-ari ng apartment. Pagkatapos nito, ang mga susunod na upa ay maaari mo nang ideposito sa alin man sa mga nasabing tanggapan sa loob ng unang sampung araw ng bawat buwan, kung ito ay hindi pa rin tatanggapin ng may-ari. Ang hindi mo pagdedeposito sa loob ng tatlong buwan ay magbibigay daan upang ikaw ay mapaalis sa nasabing apartment. (Section 9(b), RA9653)
Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta