Illegal collectors sa NPD at mga ipokrito

TAHIMIK SI NPD Director, C/Supt. Antonio Decano sa kanyang opisina.

Hindi lamang sa pang-iisnab niya sa mga mamamahayag na nasa kanyang erya, wala ring pakialam si Gen. Decano kahit sumasambulat na ang balita hinggil sa mga nangu-ngulekta sa mga iligalista sa Camanava.

Ang masakit, parekoy, habang hindi umiimik si Gen. Decano ay nagmistulang signal naman sa mga iligalista sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na nakararating nga sa kanya, o kaya’y may basbas siya sa naiuulat na collection ni P03 Jojo Cruz.

Minsan daw ay may mga umaarbor kay Cruz ngunit tumanggi ito dahil siya naman daw ang ma-           lilintikan kay Maj. Lleva.Ayon sa ating “tawiwit” si Lleva raw ang katiwala ni Gen. Decano. Ewan lang kung inirereport din ni P03 Cruz ang nakukuha niya mula sa Jueteng ni Ed Pineda sa Valenzuela.

Ipinangangalandakan rin kasi nitong si Ed Pineda na “Gatchalian” ang nasa likod ng kanyang operasyon.Siyanga pala, parekoy, sumasabay na rin ang CIDG sa pangungulekta mula sa mga iligalista sa Camanava.

Ang nakukulekta ni Alvin ay ipinadadaan naman kay Arnel Cruz. Dapat sigurong mabusisi rin ito ni Gen. Sammy Pagdilao, Jr.

MATINDING BATIKOS ANG ibinalibag ng mga i-pokrito kaugnay sa “Kulo” exhibit na ipininta ni Mideo Cruz.

Ang bagay na ito, parekoy, ay humantong sa pagbibitiw sa puwesto ni Cultural Center of the Philippines (CCP) Chair Emily Abrera.

Hindi lamang ‘yan, parekoy, sinampahan din ang mga ito ng kaso sa Ombudsman at maging ang Senado ay nakisawsaw na rin sa pag-gisa.

Ito ay dahil paglapastangan daw sa kanilang pananampalataya, ayon sa mga Obispo, deboto, mga senador, Padre Damaso at maging sa mga eskriba at pariseo. Ehek! Ang reklamo, parekoy, nitong mga bestfriend kuno ng Diyos ay hindi lamang sa usapin ng pananampalataya.

Kundi ang ipinatayo ng CCP ay pera ng gobyerno na hindi maaaring gasgasin, este, gamitin sa pain-ting ni Mideo Cruz. Ang ipinagtataka ko lang, noong nilalafangga ng mga obispo ang mga kotseng binili mula sa pera ng gobyerno ay tila sobra yata ang pananahimik nitong mga bestfriend kuno ng Diyos!

Pero ngayong ipinatong lang ni Mideo Cruz ang kanyang dibuho sa CCP, grabe ang ngakngak ng mga hinayupak! Kahit pa nga nag-sorry na si Cruz at nag-resign na si Abrera ay hindi pa rin makuntento sina Padre Damaso!

Ang ibig kong sabihin, parekoy, ke tama o mali ang naganap sa nasabing “Kulo” exhibit, dahil nagbitiw na si Abrera at nag-sorry na si Cruz ay hindi na nararapat na ibuyangyang pa talaga ni Padre Damaso at ng kanyang mga kampon ang kanilang kaipokrituhan!

Para naman makasulong na ang bansang ‘Pinas at maituon ang atensiyon sa mas kapaki-paki-nabang na gawain. Isa pa, kung tunay silang mga bestfriend ng Diyos, dapat alam nila na mas galit ang kanilang bestfriend sa mga taong ipokrito at hindi marunong magpatawad!

Oo nga pala, parekoy, sa halip na sa isyung ito gastusin ng Senado ang panahon at resources ng gobyerno, bakit kaya hindi muna nila unahing im-bestigahan ang mga hinayupak na oil companies?

Aba eh, mas mahalaga sigurong busisiin nila ang kademonyuhan ng mga kumpanyang ito kesa sa kaipokrituhan!

Peryud!

PARA MAPAKINGGAN SA radio ang patas at walang takot na pagbabatikos sa mga masalimuot na isyu, inaanyayahan ko po kayo na pakinggan ang aking programa sa DZME 1530kHz AM (dulong-kanan ng talapihitan). Ang ALARMA Kinse Trenta ay inyong mapapakinggan tuwing Lunes – Biyernes, alas 6:00 hanggang alas 7:00 ng umaga. Para sa inyong mga reklamo o sumbong, 0932-1688734.

Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleMay papel pa ang mga balikbayan
Next articleTungkol kay Kuya Kim

No posts to display