Illegal fishing sa Masbate at Sen. Zubiri

PORMAL NA NAG-RESIGN bilang senador ng Pilipinas si Sen. Migs Zubiri noong Miyerkules. Eksakto alas 3:48 ng hapon sa aking relo nang banggitin ni Sen. Zubiri ang mga kataga ng kanyang pormal na pagre-resign.

Kung tutuusin, parekoy, ayon sa batas ay kayang paabutin ni Sen. Zubiri hanggang 2013 ang nasabing protest at counter-protest sa pagitan nilang dalawa ni Koko Pimentel. Ibig sabihin, kung batas o mga pangyayari rito sa ‘Pinas ang pag-uusapan o babasehan, kayang manatili ni Sen. Zubiri sa kanyang posisyon.

Pero nag-resign na nga si Migs Zubiri.

Sa kasaysayan ng ‘Pinas, si Zubiri ang kauna-unahang elected official (take note, senador pa!) na nag-resign! At ‘yan ay dahil sa kanyang pagpapahalaga sa dignidad!

Sa totoo lang, parekoy, hindi ko ibinoto itong Zubiri na ito. Pero kung muli siyang kumandidato bilang senador, hindi lamang ako boboto sa kanya… Ikakampanya ko pa si Migs Zubiri!

At kung ako may may singkuwenta pesos sa bulsa sa panahon ng election, walang pag-aalinlangan na gagastusin ko ito para kay Migs.

Kahit hindi na ako makabili ng sigarilyo! Sa totoo lang, parekoy, hindi tayo nahiya na may mga taong nakakakita nang tumulo ang mga luha sa ating mga mata. Tangna, parekoy, nakalimang taon tayo sa Bilibid pero hindi tumulo ang aking luha.

Daan-daang bala ng armalite ang nagsalimbayan noong tayo ay ambusin, at ‘yan ay nasaksihan ng mga tao na hanggang ngayon ay buhay na saksi sa pangyayari… pero hindi man lang tayo pinanindigan ng balahibo.

Pero sa resignation ni Migs Zubiri na ni minsan ay ni hindi ko nakita nang personal o nakausap man lang… pero tumulo ang ating luha, parekoy, at pinanindigan tayo ng balahibo.

At hindi ko ito ikinahihiya! Kasabay na siguro roon, parekoy, hindi lamang ang paghanga, kundi maging ang matinding kagalakan na may pulitikong Pilipino pa pala ang may napakataas na dignidad. At pagpapahalaga sa moralidad!

Mabuhay ka Migs! Tiyak na malayo ang mararating mo pagdating ng araw! At sana, matuto sa iyo si Koko Pimentel nang tinatawag na humility!

BUKING NA NGAYON ang matagal nang itinatanggi ni PNP Provincial Director Col. Thomas Seminiano sa sumbong tungkol sa talamak na illegal fishing sa lalawigan ng Masbate.

Simula, parekoy, noong last quarter ng 2010 ay tadtad tayo sa report na talagang talamak na ang iligal na pangingisda sa nasabing lalawigan.Ayon sa ulat, mga commercial fishing vessel mula sa Iloilo at Cebu ang sumusuyod sa karagatan ng Masbate.

Idinagdag pa ng ating tawiwit na milyones kada buwan ang perang nakukulimbat bilang “monthly payola” mula sa iligal na gawaing ito. Todo tanggi naman noon itong lintek na Col. Seminiano na kesyo wala raw commercial fishing vessel na rumaratsada sa kanyang area of responsibility.

Asus, kailangan pa palang may malagim na trahedyang maganap sa nasabing karagatan para mapasinungalingan itong si Col. Seminiano.

Dahil kamakailan lamang, parekoy, ang Hope Cristy, isang commercial fishing vessel ay lumubog habang ito ay naglalayag mula sa Cagmasuso, Mandaon, Masbate patungong Iloilo. Ang nasabing barko ay loaded ng tone-toneladang isda!

Tsk, tsk, tsk. Kung hindi pa sa walong bangkay at 24 na missing ay hindi pa mabibisto itong si Col. Seminiano! Paano ba ‘yan, parekoy, hindi pa rin kaya alam ni PD Seminiano na talamak ang iligal na pangisda sa Masbate?

Dalawa lang ‘yan, kung hindi talaga niya alam, bobo itong provincial director na ito! Kaya layas na! Kung alam naman niya… ibig sabihin hinahayaan ni PD Seminiano ang nasabing iligal na pangisda? Aba eh, magkano?

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleKamatayang may kinalaman sa trabaho
Next articleGanid

No posts to display