AKO PO ay holder ng H2B visa para makapagtrabaho sa Guam sa isang construction firm. Kamakailan ay sinita ako ng mga katrabaho ko sa Guam kung bakit nagbayad daw ako ng placement fee sa aking ahensiya gayong bawal maningil ng placement fee para sa biyahe sa Guam. Ako po ay na-recruit ng isang ahensiya na may pangalang Topline Manpower. Bago po ako nag-apply rito ay nag-check muna ako sa POEA kung malinis ang record nito. Ayon sa POEA malinis daw ito at may lisensiya para mag-recruit. Tama po ba ang balita ko tungkol sa Guam? — Gerry ng Cainta, Rizal
NAGTANUNG-TANONG KAMI tungkol sa bagay na ito at kami’y nagpapasalamat sa isang NGO na pinamumunuan ni Maria Embry at nakapagbigay pa siya ng mga impormasyon hinggil sa isyu ng placement fee sa mga nag-a-apply para makapagtrabaho sa Guam.
Totoo na maraming trabaho sa Guam ngayon. ‘Ika nga, boom na boom lalo na ang construction. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming naglipanang mga ahensiya na nagre-recruit ng mga Pinoy para rito.
Una, ang H2B visa ay nagpapahintulot sa holder nito na makapagtrabaho sa Guam nang hanggang sampung buwan sa mga gawaing seasonal at hindi agrikultural.
Pangalawa, ang lahat ng kontrata ng employment para rito ay dapat aprubahan din ng POEA.
Pangatlo, at ito ang pinakaimportante, ipinagbabawal ng pamahalaang Estados Unidos ang paniningil ng mga ahensiya ng recruitment fee sa mga aplikante para sa Guam. Sa katunayan, matagal nang pinadalhan ng US embassy ang ating POEA tungkol sa bagay na ito. Nag-alok pa nga ang gobyernong US ng cooperation para mahinto na ang illegal na gawain ng mga ahensiya na naniningil ng placement fee.
Ayon na rin sa US Embassy, nakumpirma raw nila na ang sinasabi mong Topline Manpower ay gumagawa ng illegal na aktibidad dahil nga raw ito ay naniningil ng placement fee. Ipinaabot na ng embassy ang bagay na ito sa POEA.
Pero ang mas nakapagtataka, hanggang ngayon ay wala pa ring ginagawang aksyon ang POEA tungkol sa mga ‘di kanais-nais na gawain ng mga ahensiya na nagsasagawa ng iligal na paniningil. At hanggang sa ngayon, “good standing” pa rin daw ang rekord ng Topline Manpower sa POEA.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo