Ilog Banadero

ANG ILOG Banadero ng ating kabataan ay laging haplos ng hanging amihan sa aking alaala.

Kahapon sa isang halos gutay-gutay na scrap book, nakalap ko ang isang brown-colored picture ng aking ilang kababatang naliligo sa ilog. Lumukso ang aking puso. Uminit ang mga ugat ng may rayuma kong binti. Si Feming, Erning, Tiwa, Digo, Ben at Ogie – naliligo kaming lahat na hubad at hubo, humahalakhak sa init ng araw. Aking mga kababata na bigla ko pang nakilala kahit na anim na dekada ang nakalipas. Nasa’n na sila ngayon? Unang tanong na umikot sa aking isip.

Ang ilog ay mahigit dalawang kilometro ang layo sa aming bahay. Mahigpit na pinagbabawal ng inay at tatay ang pagpaligo rito. May enkanto at maligno raw. Subalit tuwing Sabado ‘pag namamalengke ang inay, sugod kami sa ilog.  Nagtatampisaw. Naglalangoy. Sumisisid sa malinis na buhangin. Umaawit. Pumapadyak. Tumatalon. Sumisigaw. Habang ang init ng araw ay nililitson ang aming mukha at katawan. ‘Di maipaliwanag na kaligayahan sa aming munting puso at kaluluwa na nasa talulot ng kabataan.

Bakit ilog Banadero ang paksa ko? May isang dahilan. Ang ilog ay isa sa maraming altar ng aking kabataan, kawalang-malay na kabataan, purong magmahal, umasa at manampalataya. Ngunit ang agos ng kawalang-malay, purong pananampalataya at pagmamahal ay inagos na ng dambuhalang alon ng pagpapanggap, kinang ng pilak at ‘di pagmamalasakit sa kapwa.

‘Di ko alam kung buhay pa ang ilog Banadero. May nagtataasang kawayan sa kanyang paligid? May mga naghuhunihang ibon sa matatayog na puno ng akasya at mangga? May mga paslit pa bang nagtatampisaw at naglalangoy sa malinaw niyang tubig?

Pasensya na kayo. Biktima ako ng alaala.

SAMUT-SAMOT

 

SULIT ANG pagbabayad ng taxpayers sa suweldo ni Sen. Frank Drilon. Napapakinabangan nang husto ang kanyang talino sa pagpapasa ng kailangang batas at pagpa-finalyze ng mga anomalya. Mahigit nang dalawang dekada siyang lingkod-bayan at napakayaman ang karanasan sa executive at legislative branches. Bago naging Senate president, siya ay DOJ at Executive Secretary sa panahon ni Cory.

WALL FLOWER senator-judges. ‘Yan ang pabirong bansag sa anim na lawmakers, na nagbubutas lang ng silya sa kasalukuyang impeachment trial kay Corona. Dapat magising sa matagal nang pagbabago ang manghahalal. Biro mo, isang action star nag-number 1 sa Senate race nu’ng 2010. Ano’ng performance niya sa Senado? O ang pagiging senador ay sideline lang niya? ‘Di na tayo natuto. Isa pang action star na senador ay ginagawa lang pahingahan ang Senado. ‘Di lumalahok sa ano mang debate, pagtatalo o diskusyon. Puro tingin lang sa kisame ‘pag session. Pagkatapos ng roll call, split nang dahan-dahan. Talagang ‘di na tayo natuto. Kaya ‘wag na tayong magreklamo kung ganito ang uri ng ating gobyerno.

ANO BA talagang lowdown sa pagkatanggal ni NBI Director Magtanggol Gatdula? Malalim. Sangkot ba siya sa alleged kidnapping o biktima ng intriga? Subalit tama si P-Noy. ‘Pag wala na siyang trust sa isang public official, ‘yun na ‘yun.  Thankless ang magtrabaho sa pamahalaan. Lalo na sa Malacañang, isang totoong-totoong snakepit. Nu’ng ako’y Press USec ni dating Pangulong Erap, naranasan ko ito. Kaliwa’t kanan ang intriga. Apoy sa kaliwa at kanan at sa ilalim. Para kang nilulutong bibingka. Never again will I work in government. Itaga mo sa bato.

TAMA ANG obserbasyon ni Senator-Judge Ping Lacson. Sandamakmak ang objections ni defense lead lawyer Serafin Cuevas sa testimony ng mga witnesses. ‘Pag ganito ang takbo baka abutin ng dalawang taon ang hearing. Payo namin kay Cuevas, huwag naman masyadong magpasikat ng iyong legal expertise. Over grandstanding ka na. Ang hearing ay ‘di dapat masyadong legalistic. Quasi-judicial proceeding ‘yan.

SINABI MISMO ng new Minority Floor Leader Danny Suarez na watak-watak na political party ni GMA. As expected. Kung nasaan ang asukal, doon pupunta ang langgam. Lahat halos ng mambabatas ay political opportunists. ‘Di exception si Suarez. Ganito rin ang maraming negosyante. Kung sino ang presidente, doon sila para ‘di maapektuhan ang kanilang negosyo. Natural lang ‘yan. Pero dapat din ang isang nilalang ay may yardstick ng katapatan sa kanyang kaibigan, right or wrong.

MGA NAMAMAYAGPAG ngayon sa kapangyarihan ay dapat mag-isip ng malalim. Lahat may katapusan. Ang power at kayamanan ay temporary. Ito marahil ay naiisip na ni Suarez. Grabeng namayagpag siya nu’ng panahon ni GMA. Ngayon, mistulang basang basahan. Sa aking mahigit na tatlong dekada sa pulitika, namalas kong lahat ito. Everything is temporary. Lahat ay lumilipas at nakakalimutan. Kaya dapat magpakababa ang nauulol sa kapangyarihan. Gaya ng awit ni Florante “Lilipas din…”

DALAWANG BISE presidente ng bansa ang pinaglingkuran ko bilang spokesman o tagapagsalita – Doy Laurel at Erap.  Namamayagpag din ako at sinakmal ng kayabangan dahil sa popularidad at kapangyarihan. Tatlumpung taon akong “high” sa power at influence. Araw-araw laman ng pahayagan, biyahe sa lahat ng sulok ng mundo, at puno lagi ang bulsa ng salapi. Akala ko walang kamatayan. Akala ko’y sa ilalim ng aking talampakan buong mundo. Hanggang isang umaga gumising akong nawalang lahat. Wika nga ni Erap: “Sana’y pagsisisi sa una.”

GANITO MARAHIL din ang nararamdaman ni GMA. Pinakaawa-awang nilalang. Siyam na taong nagpasasa sa kapangyarihan, binintangang nanggalpong sa pondo ng bayan, nang-api sa mga dukha, at lumabag sa human rights – at iba pang karumal-dumal na kasalanan sa Diyos, bayan at kapwa. Nasaan na ang mga kasama niyang nagpasasa sa kapangyarihan at kaban ng bayan? Mga katulad ni Mike Defensor, Prospero Pichay, Arthur Yap, Jocjoc Bolante, etc. Totoo ang karma. Ang karma ay totoo.

SA LAHAT-LAHAT, ano ang tunay na kayamanan ng buhay? Higit sa kinang at taginting ng ginto at boses ng kapangyarihan? Paglilingkod sa Diyos, sa bayan at mga dukha.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleWritings On The Wall
Next articleBalik Raket ang mga Kapalmuks!

No posts to display