TULUYAN NANG NALUGMOK sa kahihiyan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado sa umano’y korapsyon sa militar.
Sa survey ng Pulse Asia 60% ng 1,200 respondents mula sa buong bansa ang naniniwalang ang ahensya ang pinakatiwali.
Hindi ba’t sa kasagsagan ng pagdining ng Kamara de Representantes sa plea deal ni dating AFP Comptroller Carlos Garcia ay marami nang “multo” ang lumitaw. Gaya na lamang ng paglutang ni dating Military Budget Officer George Rabusa na siyang nagbulgar ng “pabaon at pasalubong” system.
Sa kasagsagan nga ng pagdinig sa Senado ay nagpakamatay si dating AFP Chief of Staff Angelo Reyes.
At ngayon, umiikot ang imbestigasyon kina dating AFP Comptroller Jacinto Ligot at misis nito na si Erlinda na siyang nagkamal umano ng bilyong piso.
Hay naku… sino ba ang dapat sisihin sa pagkasira ng imahe ng militar?
Ang Kongreso na siyang nagbuyangyang ng umano’y kasiraan ng AFP na sumasalamin naman sa pamahalaan? O ang mga tinatawag na “bad eggs” sa institusyon?
Parekoy, paulit-ulit na nakikiusap ang ilang miyembro ng AFP na huwag naman sanang ituro sa institusyon at lahat ng miyembro nito ang kamalian ng lahat.
Sa kabilang banda, kami sa media industry ay huwag ding sisihin kung aming naibabalita ang ganitong mga “kwento”.
Isa lang parekoy ang prinsipyo nito, kung walang usok, walang apoy. Kung walang katiwalian, walang ibubulgar.
Bagaman matagal-tagal na proseso pa ang hatol sa itinuturong tiwali, posible ring makatulong ito para maging signal device sa mga nagnanais gumawa ng masama lalo na ang mga ganid sa otoridad at kuwarta!
Disiplina, Top List Sa Survival Kit Ni Ping Lacson
Malaki pa rin ang benepisyo ng disiplina, mga parekoy.
Sabi ni Senador Lacson sa kanyang presscon noong Lunes makaraan ang mahigit 14 months na pagtatago na mala-Palos, disiplina ang kanyang naging sandigan para hindi madakip.
‘Di ba’t disiplina rin ang armas ni Lacson noong siya ay PNP Chief? Totoo namang marami ang nadisiplina si Ping.
Bagaman hinahangaan ko si Lacson sa kanyang determinasyong “DO NOT GET CAUGHT” at paggamit ng DISIPLINA, tila may nakaligtaan din si Lacson na aminin.
Ito ay ang pagiging duwag na harapin ang bintang sa kanya. Siya na mismo ang nagsabi na “mali ang bintang” bakit hindi pa siya lumutang noon pa.
Eh, ano kung may warrant of arrest? Kung naniniwala si Lacson na wala siyang kasalanan, maaari namang nabago ang sitwasyon noon at sana ‘yung panahong pinaghahanap sa kanya ay may bago nang development sa Dacer-Corbito double murder case.
Sa ngayon kasi, dahil ibinasura ng Court of Appeals ang kanyang kasong two counts of murder, ay back to zero na naman ang pamilya Dacer.
Labing-isang taon, mga parekoy, tila nakaharap na naman sa blank wall ang pamilya nina Bubby Dacer at Emmanuel Corbito kung sino talaga ang nagpadukot at nagpapaslang sa dalawa.
GOOD AT BAD NEWS NG PDIC KAUGNAY SA BANCO FILIPINO
Simula nang ibalik ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) sa pamamagitan ng Postal Money Order sa mga depositor ng Banco Filipino ang may balance na P5,000.00 pababa.
Habang ang may savings na P5,000.00 hanggang P500,000 ay maghihintay pa ng hanggang Hulyo para ma-claim ang kanilang salapi. Wala pa ring anunsyo kung kailan maaaring isumite ang claim form.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303