DAHIL SA sunud-sunod na sakunang dumaluyong sa ating bayan, kabi-kabila rin ang pagsulpot ng mga volunteer center. Sa mga center na ito, nagtitipon ang mga tao upang tumulong sa pagre-repack ng mga donasyon na dadalhin sa mga napinsalang lugar. Nakamamangha ang dami ng mga taong nais magboluntaryo! Ayon sa isang relief operations center, fully-booked na sila hanggang sa susunod na linggo at balak na rin nilang magbukas ng isa pang center upang may paglagyan ng nag-uumapaw na donasyon mula sa mga tao.
Maraming tao ang nagsasabi na pinahahalagahan nila ang pagbo-volunteer sapagkat “ito ang tamang dapat gawin.” Subalit sa pananaw ni Allen Omoto, propesor ng sikolohiya sa Claremont University, may limang dahilan daw kung bakit nagbo-volunteer and mga tao:
Una, kaalaman. Ang oportunidad na makakauha ng bagong kaalaman ay isa sa mga dahilang kung bakit marami ang nais mag-volunteer sa relief centers.
Pangalawa, ang pagbo-volunteer ay nakatutulong upang pataasin ang pagpapahalaga sa sarili.
Ikatlo, ito ay nagbibigay ng pagkakataon upang matuto. Upang malaman ang hangganan ng kakayahan at piliting makatulong ng higit sa inaakalang kaya.
Ikaapat, binibigyang-halaga nito ang pagiging bahagi ng isang komunidad.
At panghuli, ito ang simbulo ng pakikipagkapwa-tao. Ang paglilingkod at pagtulong na walang hinihintay na kapalit.
SA PAGSUSULAT ng artikulong ito ay nais kong ibahagi ang saloobin ng isang “first time volunteer”. Hahayaan kong mabasa n’yo ang kanyang mga pahayag.
“Ako po ay si Camille. First time volunteer. Noong una, wala ako gaano pakialam sa mga nangyayari. Nakabakasyon ako noon sa ibang bansa noong naganap ang typhoon Yolanda kaya wala ako gaanong balitang nasasagap tungkol sa mga nangyayari dito sa Pilipinas. Pagkauwi ko, saka pa lang tumambad ang realidad ng mga nangyayari. Nakakaawa talaga. Ang sakit sa puso na makitang nagugutom ang mga tao habang kami ng mga kaibigan ko dito ay sobra-sobra ang kinakain. Kaya tinipon ko ang mga kaibigan ko at nag-ipon kami ng pera, pinambili namin ito ng groceries na puwedeng i-donate. Pero parang hindi pa sapat na magbigay lang ng donations, kaya naisip namin na tumulong na rin sa repacking at pagbubuhat.”
Noong tinanong ko siya kung ano ang naramdaman niya sa ginawa niyang iyon, ito ang sagot niya:
“Magaan sa puso. Mabibigat ang mga sako na binubuhat namin, pero masarap ang pakiramdam. Mainit, pero walang nagrereklamo. Sa bawat piraso ng de lata na isinusupot ko, iniisip ko na sana makarating agad ito sa mga biktima para kahit papaano mabawasan ang paghihirap nila.”
Sabi nga ng isang kakilala, imbes na bisyo, sakripisyo na lang! Ano ba naman ang ipagpaliban ang ilang araw na paggimik kung marami namang pamilya ang matutulungan, ‘di ba?
LAGI NATING isipin na walang maliit o malaking bagay sa pagtulong. Sa mga ganitong kalamidad, lahat ay masayang tatanggapin. Tama na muna ang bisyo. Konting sakripisyo para sa mga nangangailangan. Hindi naman kailangan maging mahirap ang pagbo-volunteer, yayain n’yo ang mga kaibigan o pamilya! Mas masaya kung sama-sama. Lagi n’yo lang iisipin na sa bawat supot na nilalagyan mo ng pagkain, isang pamilya na naman ang tinutulungan mo na mabuhay ng isa pang araw.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at sa Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo