WALANG KAHULUGAN sa pagpapayaman ng kultura at pagtataas ng moralidad ang uri ng mga pelikulang lumahok sa katatapos na Metro Manila Film Festival (MMFF). Sa halip, mga basurang sining ang ipinurga sa kaawa-awang masa, toilet films kagaya ng Enteng ng Ina Mo na tumabo nang husto sa takilya. Taun-taon, biktima ng ganitong kalapastanganan ang masa, hinuhuthot ang kanilang pinagpapawisang kita para malibang sa isang kadiri-diring pantasya. Ang Panday 2 ni Sen. Bong Revilla ay hindi exception. Recycled fantasy film na walang mensahe o relevance sa buhay at kapakanan ng manonood.
At kahit naman si Gov. E.R. Ejercito ay binuhay muli ang crime film na Asiong Salonga? At adjudged best picture pa? Bilang isang mataas na opisyal ng pamahalaan, dapat siyang maging role model. Segunda Mano ni Kris Aquino at Dingdong Dantes ay isang horror flick na matanda pa sa Gabi ng Lagim. Trying very hard. Lalo na mga suspense scenes. Marami na namang nagantsong manonood.
‘Di kataka-taka kung bakit ang pelikulang Pilipino ay matagal nang agaw-buhay, kung ‘di pa patay. Nasaan na ang movie greats katulad ng Badjao, Anak Dalita at Maynila sa Kuko ng Liwanag?
Ang sining ay salamin ng ating kultura at repositoryo ng ating gintong tradisyon. Kailangang pagyamanin ang mga ito sa pamamagitan ng uri ng sining na makabuluhan sa ating pagmamahal sa bayan at kaunlaran. Walang puwang ang mga cheap slapsticks, pagdakila sa kabaklaan at violence at kriminalidad. Imburnal Film Fest. Pweet.
SAMUT-SAMOT
KAMAKAILAN, NAMATAAN namin si SC Justice Carpio at dating SC Chief Justice Davide sa Peking Garden Restaurant sa Greenbelt, Makati. Seryoso ang usapan nila. ‘Di nila napansin na maraming matang nakatuon sa kanila. NBA games o breakup ni KC at Piolo ang paksa nila?
MAKABUBUTING SI CJ Corona ay kumuha ng kanyang opisyal na spokesperson sa impeachment trial. Nakasasama sa pananaw ng madla na si Justice Midas Marquez ang tuwinang nagtatanggol sa kanya. Si Marquez ay tagapagsalita ng SC. Dapat ‘di siya makihalo – panig o kontra – sa impeachment issue. Nariyan si Oliver Lozano o Bono Adaza na laging atat na atat sa mikropono at TV camera.
UMAARANGKADA NA ang 2012 NBA Season pagkaraan ng isang buwang pagkabalam. Maghapong tutok na naman sa Basketball TV lalo na ‘pag may schedule games and Los Angeles Lakers. Mahigit nang 3 dekada akong panatiko ng koponan. Kung gusto mong masira ang araw ko, balitaan mo ako na natalo ang Lakers kahit sa isang minor game. ‘Di ako nagkahilig sa football na ngayon ay craze sa ating bansa. Naalaala ko ang kasikatan nina Caloy Loyzaga, Carlos Badion, Robert Jaworski, Renato Reyes at Danny Florencio. Ibang kalidad ang kanilang paglalaro. ‘Di kagaya ng present crops of PBA players. Malayung-malayo.
MAY KAIBANG kalungkutan ako habang ang aking kasambahay ay unti-unting binabalot ng plastik ang aming Christmas tree. Tapos na ang Pasko – mahigit isang buwang pagka-abala at kasiyahan. Ano ang binabadya ng bagong taon? Maraming nangyari. Marami din ang ‘di nangyari. Maraming dapat ipa-salamat sa biyaya ng Diyos. Biyaya ng kalusugan at pagkakaisa at pagmamahalan ng pamilya.
SA PAGTATAPOS ng nakaraang taon dinagsa tayo ng kalamidad. Ang typhoon Sendong ay naghasik ng kamatayan at lagim sa mga kapatid natin sa Cagayan de Oro at Iligan. Ngunit sa ating pagtutulungan, babangon muli sila sa bagong pag-asa sa buhay. Manalig tayo sa awa ng Maykapal.
HILAW AT PILIT ang pagkahirang kay Dingdong Dantes bilang best actor sa nakaraang Metro Manila Film Festival. Walang kalatuy-latoy ang pag-arte. Si Gov. E.R. Ejercito ang nasa isip ng marami dahil sa kanyang makadamdaming papel sa Asiong Salonga. Dapat lang na pumalag si Gov. E.R. Ano ang nangyari?
PAKIRAMDAM KO, dalawang slots na lang ang paglalabanan sa senatorial slate ng 2013 elections. Madodomina ang marami ng mga reelectionists at comebacking senators kagaya nina Dick Gordon at Jamby Madrigal. Ang administration candidates na pinangungunahan ni Budget Secretary Butch Abad ay kakain ng alikabok kahit na personal na pagkakampanya ng Pangulo. Sa pangunang puwesto, patok si Sen. Loren Legarda o Sec. Mar Roxas. Dapat pa bang iboto si Sen. Antonio Trillanes na ang papel ay magbutas ng upuan sa senado at si Sen. Lito Lapid? Anak ng hanep!
SANG-AYON AKO sa total ban ng mga paputok. Sa ating bansa lang laging may fatalities o casualties dahil sa paputok sa pagdiriwang ng Baong Taon. Kailangang magpasa ng batas dito.
MAINIT NA sa U.S. presidential campaign surveys, patok pa rin si Barack Obama kahit na bagsak ang U.S. economy. Marahil dahil walang malakas na kandidato ang Republican. Abangan.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez