POSIBLENG MGA ILANG tulog na lang may bagong kapana-panabik na pagdinig sa Mataas na Kapulu-ngan ng Kongreso at ito ay ang paggisa kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Natural, parekoy, papalapit na ang takdang oras, kabado ang pro-impeachment congressmen gaya ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas. Kabado dahil sa kung anong kahihinatnan nito habang ang mga “supporter” ni Merci ay tiyak na lumalakad na ng paluhod sa iba’t ibang simbahan.
Pero, parekoy, ating gunitain ang sandamukal na mga isyu bago tuluyang magtagumpay ang House Committee on Justice sa pamumuno ni Iloilo Rep. Neil Tupas, Jr. ay talaga namang marami nang “balitaktakan” ang nangyari. Pasalamat na lamang tayo sa mga Ilonggo at Ilocanong mambabatas, maisasakatuparan din nila na maihatid sa plenaryo at target ngayong linggo ay maiakyat sa Senado ang Articles of Impeachment.
Pero teka, parekoy, ano itong isinisi raw ni Fariñas kay Pangulong Benigno “Noynoy” Simeon C. Aquino kung bakit may mga nagdadalawang-isip na sumuporta sa pagpapatalsik kay Merci?
Ang sabi, ilang grupong relihiyon ang hindi pabor sa hayagang pakikialam ni P-Noy sa pagpapatalsik kay Merci na malapit sa dating administrasyong Arroyo.
Lumalabas daw kasi na tila ginagamit ng Pa-ngulo ang kanyang posisyon at nagiging diktador na porke’t “galit” siya sa dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na kanyang propesor noong kolehiyo, ay sinuportahan ang pagpapatalsik kay Merci.
Kunsabagay, parekoy, kung lalagay tayo sa tama, dapat nga naman ay hindi nakikialam o mag-impluwensiya si P-Noy sa mga hakbang ng Kongreso dahil labag ito sa Saligang Batas. Alalahanin natin, magkaibang sangay ng pamahalaan ang ginagalawan ng Pangulo at ng Kongreso.
Heto pa, may ulat na may nagsi-circulate na text messages sa mga mambabatas sa Kamara de Representantes na dapat umabot sa pagpapatalsik kay Merci kung ayaw raw maudlot ang kanilang pork barrel.
Parekoy, ako mismo, naghihinala sa ganitong mga isyu na maudlot pa ang pagpapatalsik kay Merci sa kabila nang mga malalakas na reklamo sa kanya. Sayang naman ang effort nina Tupas at Fariñas.
CHINESE FORCES SA SPRATLYS LUMALAKAS; 48 KATAO PATAY SA OPENSIBA NG COALITION FORCES LABAN SA GADDAFI FORCES
MALALAKING ESPASYO O oras sa mga pahayagan, radio at telebisyon ang kinakain para ibalita ang mga kaganapan sa Japan, at sigalot sa Libya at sa iba pang Arab Nation.
Sa mga huling balita, 48 katao ang patay sa opensiba ng coalition forces laban sa puwersa ni Libyan Leader Col. Muammar Gaddafi. Ang opensiba ay tinawag ni U.S. President Barack Obama na “Odyssey Dawn”. Talagang maliit na ang mundo ni Gaddafi, mga parekoy.
Tama, malaking balita ito. Pero, parekoy, nais kong bigyang-pansin ang kaganapan sa mismong bansa natin.
Alam n’yo ba parekoy na lumalakas daw ang puwersa ng China riyan sa Spratlys?
Ito ang dapat bigyang-pansin ni P-Noy at agapan ito dahil mahalaga ang ating relasyon sa China.
Minsan tuloy, naisip ko kung bakit “politely rejected” ang alok na $14 Million na tulong ni P-Noy sa Japan. Eh, kasi nga, hindi naman mapagsamantala ang Japan. Sa halip, ‘yung iniaalok na iyon ng Pangulo ay dapat sa mga mahihirap na lang dito sa Pilipinas ibigay.
Okay, mabalik tayo sa Spratlys, may ulat na naalarma ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lumalakas na kapabilidad ng security forces ng China sa Spratly Islands na pinag-aagawan ng ilang mga bansa sa South China Sea.
Ito’y kasunod ng military report na naglagay na ng mga machine guns at parabolic antenna ang China bilang karagdagan sa istraktura nito sa Spratly Islands. Bukod pa rito ang mga barko ng China na nagpapaikut-ikot sa Spratly kabi-lang ang Zhongguo 71 at Zhongguo 75 na nasangkot sa pangha-harass sa research vessel ng Department of Energy (DoE) sa Reed Bank sa Puerto Princesa City, Palawan kamakailan.
Tinugon na rin umano ng China ang diplomatic protest ng pamahalaan at iginiit na kabilang sa kanilang teritoryo ang Reed Bank na kung tutuusin ay higit na malapit sa Puerto Princesa City at bahagi ng 200 Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Kitam, parekoy! Isang simpleng pangha-harass ang sinapit ng ating bansa, na sa bandang huli ay tayo pa ang masama! ‘Di ba dapat ay kumilos na ang pamahalaan bago pa lumala ang sitwasyon sa Spratlys?
Alam naman ng lahat na bukod sa Pilipinas, ang mga bansang nag-aagawan sa Spratlys ay ang Vietnam, Malaysia, Brunei, Taiwan at ang pinakamapa-ngahas ay ang China.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303