BAGO PA man simulan ang paglilitis sa Senado kay Punong Mahistrado Renato Corona ng Korte Suprema, may mga nagsasabi, kabilang na ang ilang abogado, na maging si Presidente Noynoy Aquino raw ay dapat ding sampahan ng impeachment, dahil may mga ginawa rin daw itong paglabag sa Konstitusyon.
Ang pinakamalubha raw sa mga paglabag na ito ay nang isulong niya ang impeachment ni Punong Mahistrado Renato Corona ng Korte Suprema nang may kahalong panunuhol. May 188 miyembro ng Mababang Kapulungan ang pumirma sa reklamong impeachment laban kay Corona. Ngunit ginawa umano ito ng mga kongresista dahil sa pangakong maluwag na palalabasin ng Malakanyang ang kanilang pork barrel na nagkakahalaga ng P70 milyon bawat isa.
Giit ng mga nais ma-impeach si P-Noy, ito raw ay isang uri ng panunuhol o “bribery” na binabanggit sa Seksyon 2, Artikulo XI (Accountability of Public Officers) ng Konstitusyon bilang isa sa mga grounds for impeachment. Ayon umano sa mga pahayag mismo ni House Speaker Sonny Belmonte, malinaw raw ang naging papel ni P-Noy sa impeachment laban kay Corona.
Isa pa anila, ang “betrayal of public trust”. Nangyari umano ito nang bale-walain ni P-Noy ang rekomendasyon ng kanya mismong Secretary of Justice na si Leila de Lima na patawan ng parusa ang ilang matataas ng opisyal ng gobyerno.
Kaugnay ito sa kanilang mga pagkukulang nang maganap ang Luneta hostage incident noong Agosto 23, 2010 na ikinamatay ng walong turistang Tsino mula sa Hong Kong at ng hostage taker na si Police Senior Inspector Rolando Mendoza. Kabilang sa inerekomendang parusahan si DILG Deputy Secretary Rico Puno, malapit na kaibigan at sinasabing “shooting buddy” ni P-Noy.
Maaari rin daw sampahan ng ganitong akusasyon si P-Noy nang hindi rin nito ipag-utos man lamang na imbestigahan si Ronald Llamas, ang kanyang political adviser, nang mahulihan ang sasakyan nito ng mga high-powered firearms, kasama na ang isang AK-47, sa Quezon City noong Oktubre 11, 2011.
Anila, kabilang pa rin sa paglabag sa Konstitusyon ang pagbigay ni P-Noy ng P5 milyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) nang sikretong makipagpulong kay MILF chairman Murad Ebrahim sa Tokyo noong Agosto 4, 2011. Maisasama pa rin daw rito ang pagkaloob ni P-Noy ng ilang milyon sa isang grupong kaalyado ng Communist Party of the Philippines at ng New People’s Army (CPP-NPA).
Ang MILF at CPP-NPA ay kapwa kaaway ng estado (enemies of the State) na nais ibagsak ang kapangyarihan ng gobyerno. Layon ng MILF na ihiwalay sa teritoryo ng Pilipinas ang isang malaking bahagi ng Mindanao upang sila ang maghari roon. Ang CPP-NPA naman ay guma-gamit ng armas at karahasan upang ibagsak ang Estado at pairalin sa bansa ang ideolohiyang Komunismo.
Tanong nila: Hindi ba isang pagtataksil sa bansa o “treason”, ang pagbibigay ng Presidente ng malaking halaga sa dalawang grupong ito? Ito anila ay maituturing na “giving aid and comfort to the enemy”. Iniiwan ko po sa magagaling na legal minds ang kasagutan sa kanilang mga tanong.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez