ANG PILIPINAS na isang archipelago ay bansang mayaman sa mga likas na bagay. Kaya naman nabighani ang mga dayuhang Kastila sa ating bayan noong sakupin nila tayo nang mahigit sa 300 daang taon. Pati ang bansang Britanya ay nagtangkang agawin sa mga Kastila ang Pilipinas dahil sa taglay na kagandahan ng bayang ito.
Minsan nang tinawag ng isang Heswitang Kastilang pari noon na “Pearl of the Orient” ang Pilipinas, dahil naging sentro ito ng kalakalan sa buong mundo noong panahon ng kolonyalismo ng bansang Espanya.
Ang Manila Bay ang pinakamagandang natural harbor sa buong mundo kaya naman ito naging sentro ng kalakalan noong ika-17 siglo. Ang likas na yaman din ang umakit sa mga Amerikano para angkinin ang Pilipinas at maging bagong mananakop ng bansa.
Sa katunayan ay naging kontrobersyal sa US Congress noon ang isang bahagi ng Commonwealth Constitution, kung saan ay pinapayagan ang bansang US at mga mamamayan nito na makinabang sa mga likas na yaman ng bansa. Ang parehong Saligang Batas ay ginamit din sa Republika ni Pangulong Manuel Roxas hanggang sa panahon ni Pangulong Diosdado Macapagal.
Ano na ang nangyari sa Pilipinas pagkalipas ng mahigit 50 taon? Ang dating Perlas ng Silangan ay isang tapunan na lang ng basura? Paano nangyari ito? Ang dating mayaman sa likas na mga bagay ay ninanakawan nang walang kalaban-laban at unti-unting sinasakop ng bansang China ang mga mayayamang isla nito. Kailan ba matatapos ang mga kaapihan ng Pilipinas? Walang dapat sisihin sa kapalarang ito ng bansa kundi ang mga pinunong nagpaalipin at humimod sa puwet ng mga mananakop.
ANO KAYA ang ipinakain ng bansang Canada sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), dahil pumayag na rito sa bansa itapon ang mga basurang pumasok sa pier na nasa loob ng mga naglalakihang container mula sa Canada?
Ito ay mga basura na kinolekta mula sa mga bahay-bahay gaya ng mga kalawang na lata, lumang tela, goma, at iba pang hindi nabubulok na basura. Ito ay naikubli bilang mga imported na kalakal mula sa Canada, ngunit nang buksan ang kahina-hinalang container dahil sa kulang-kulang na papeles nito, tone-toneladang imported na basura ang tumambad sa mga opisyal ng Bureau of Customs.
Bukod sa napakalaking insulto nito sa ating pagkatao at pagkabansa, maaari rin itong maging precedent case sa iba pang mga mayayaman at makapangyarihang bansa, na rito sa ating bayan magtapon ng basura nila.
Kung nakapasok ang imported na basura ng Canada sa atin, hindi malayong magpasok din ang iba pang mga bansa na abusado. Kaya naman hindi ko lubos maisip ang naging usapan ng DENR at ng embahada ng Canada hinggil sa pagtutuloy na sa Capaz, Tarlac na lang itapon ang basura.
Nagsampa naman ng kaso ang Pilipinas laban sa importer batay sa Republic Act 6969, kung saan ay ipinagbabawal ang pagpapasok ng mga kontaminado at nakasasamang produkto rito sa ating bansa.
Subalit hindi ito sapat para maging dahilan na pahintulutan na itapon na sa Capaz, Tarlac ang imported na basura ng Canada. Hindi rin dahilan ang sinasabi ng DENR na ito ang best solution sa ngayon, dahil nakaaapekto na raw ang baho ng imported na basura sa kalusugan ng mga nasa pier.
PAANO NAMAN kung kontaminado pala ito ng mga toxic waste? Paano ang mga taga-Capaz, Tarlac? Natitiyak kong may agenda at nakatagong anomalya ang 50 containers na ito na puno ng basura.
Hindi naman praktikal para sa isang garbage collector sa Canada na mag-export ng 50 containers na basura dahil malaking lugi pa sila sa gagastusin dito. May nakatagong masamang agenda ito at isang panglalansi lamang ang imported na basura.
Kung magiging ganito lagi ang dahilan ng DENR na kailangan na itapon ito sa mga lugar sa Pilipinas na puwedeng pagtapunan dahil nakasasama na sa kalusugan ng mga taga-pier, magiging precedent case ito at lagi na lang ganito ang kahihinatnan ng mga basurang maipapasok sa ating bansa. Paano kung nuclear toxic waste na pala ito na hinaluan lang ng mga ordinaryong basura? Patay kang bata ka!
Hindi dapat itinapon ito sa Capaz, Tarlac. Maaaring ilagay ang container sa isang malayong lugar pansamantala, at dapat ibalik ito sa bansang Canada dahil doon ito nagmula.
Kung halimbawa ay basura natin ang nakarating sa Canada, tiyak na hindi lilipas ang isang araw ay naibalik na ito sa bansa natin. Kinakaya-kaya kasi tayo ng mga malalaking bansa, gaya na lang ng ginagawang pambu-bully ng China sa ating ngayon.
NAAALALA KO ang dating naging pinuno ng United Nations na isang Pilipino. Si Carlos P. Romula ay minsang minaliit dahil sa kanyang pisikal na sukat. Ang sagot niya sa mga panlalait ay… “walang malaking nakapupuwing!”
Itinuring niya ang kanyang sarili bilang isang diamante na nakahalo sa malalaking mga ordinaryong bato. Dapat ay ipaglaban ng ating pamahalaan ang ating dangal bilang mga Pilipino at bilang isang natatanging bayan na nananatiling isang Perlas sa Silangan.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo