ANG MGA kabataan na yata ngayon ang may pinakakaibang trip sa buhay. Sa kagustuhang mapansin, lahat ng kakaiba gagawin. Kapag sinabi mo ring bagets mahilig mag-experiment ang mga batang ‘yan, mula sa mga restaurant na kakaiba, kahit napakalayo mula sa kanila, dadayuhin nila ‘yan, magpapa-tatoo kahit bawal, kahit masakit magpabutas ng tenga, gagawin makapagpa-piercings lang. At mas lalo naman pagdating sa larangan ng pagporma. Lahat na siguro ng mga bagets ngayon ay lakas maka #OOTD o Outfit Of The Day. Bakit? Dahil pakiramdam nila kapag in sila sa fashion, angat sila. Mga bagets talaga, lakas na ngang maka-#OOTD, GGSS pa o Gandang Ganda Sa Sarili at Gwapong Gwapo Sa Sarili.
Atin ngang muling balikan ang mga kinagiliwang porma o fashion ng mga kabataan noong nakaraang taon. Ang mga kababaihang bagets ay nakiuso sa Ombre hair, ito ‘yung mga nagpapakulay ng buhok sa tip o dulo ng buhok.
Sa mga kalalakihan naman, sino ang guilty diyan sa nagpapataasan at nagpapatulisan ng buhok? Kay raming gel at wax nga ang naubos sa mall dahil araw-araw ba namang ginagamit ito ng mga kalalakihang bagets.
Sa mga sapatos naman, nauso ang pataasan ng takong sa mga kababaihan. Sa mga lalaki naman, usung-uso ang mga nagmamahalang sapatos na Jordan shoes kung tawagin. Pagdating sa mga damit, naging uniporme na yata ng mga kababaihan ang nagtitingkarang kulay na mga skater skirts. In na in ang mga pastel colors na damit sa lalaki at babae.
Ngayong bagong taon, iba naman ang uso. Siyempre normal ‘yan para saan pa ang bago sa salitang Bagong Taon kung hindi mapapalitan ang trend ngayon. Kung noong nakaraang taon, nagpapahabaan ng buhok ang mga babae para makapagpa-Ombre hair at mga lalaki para maitaas ang buhok, ngayon iba naman. Magpagupit na kung gustong maging in ngayong taon dahil ang uso ay maiiksing buhok naman, paiksian mas maganda. Ito ang tinatawag na pixie cut. Sinimulan na ito ni Jennifer Lawrence at Miley Cyrus. Sa mga lalaki naman, itabi na muna ang mga gel at wax dahil ang uso ngayon ay clean cut, ‘ika nga. Magbalik high school na at magpagupit ng 2×3.
Pagdating naman sa sapatos, out na ang heels ngayong taon dahil ang in ngayon ay mga flats shoes para sa mga kababaihan. Tama na rin ‘yan para iwas tapilok. Sa mga kalalakihan naman, mananatiling in pa rin ngayon ang mga Jordan shoes, ‘yun nga lang, dahil patindi nang patindi sa angas ang mga disenyo ngayon, pamahal din ito nang pamahal.
Sa mga damit naman, kung patingkaran ng damit ang labanan o uso ang pastel colors noong 2013, ngayon iisang kulay ang pinakauso. Ito ang kulay na pink. Gustong-gusto ng mga kababihan ‘yan dahil malamang sa malamang lahat ng mga babae ay may pink na damit kaya ilabas na mula sa cabinet ang mga ito.
Sa mga kalalakihan, uso rin ang pink. Sabi nga, ang pagsuot ng pink ay hindi nakababawas ng pagkakalaki kaya marami nang nakikiuso at pumoporma suot ang kulay pink na T-shirt o polo sa mga bagets na lalaki ngayon.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo