PANA-PANAHON TALAGA ANG kasikatan ng mga artista, kaya habang nasa panahon ka ng katanyagan, dapat ka talagang mag-ipon mula sa perang iyong kinikita. Nagmumukha kasing kaawa-awa ang mga artistang sa kanilang kasikatan ay nagwawaldas ng pera. Ang katunayan, napakaraming artista na dating sumikat at nang maghirap ay nagpapainterbyu sa telebisyon, nagpapakababa at nilalamon ang kanilang pride sa pagsasabing pinagsisisihan nila kung bakit hindi sila naging maingat sa perang kanilang kinikita noon.
Kahanga-hanga ang mga komedyanteng sina Ai-Ai delas Alas, Pokwang, Vice Ganda at John Lapus, dahil sa panahon ng kanilang kasikatan sa pagpapatawa ay nag-iipon silang talaga. Kasi nga, hindi madaling gawain ang magpatawa. Malalaos ka kapag pinagsawaan ka na nila dahil hindi na pumapatok ang istilo ng iyong pagpapatawa. Napapatunayan ngayon ang pagiging masinop sa pera nina Ai-Ai, Pokwang, Vice at John dahil napagsumikapan nilang makapagpatayo ng sarili nilang mga bahay na kanilang ipinagmamalaki sa ngayon na katas ng kanilang pagsusumikap.
Bilang reyna ng komedya, numero unong bongga siyempre sa ganda at laki ang tahanan ni Ai-Ai. Wala man siyang asawa, punung-puno ng kaligayahan at kasayahan nila ng kanyang mga anak ang nasabing bahay, na talagang wika ng komedyana ay roon niya ibinuhos paunti-unti ang kanyang kinikita hanggang sa makumpleto.
Kapag nawawalan ng trabaho si Pokwang, hindi siya pupuwedeng pabagsakin ng mga salitang naghihirap na raw siya. Kasi nga, napakaganda rin ng naipundar niyang bahay. Taas-noo niyang sinasabi na kung laos na siya’t naghihirap ay wala siyang ganu’ng bahay. Kaya mamatay-matay sa inggit ang mga kakontra niya.
Parang magkahawig ng istilo at ganda ang mga bahay na naipundar sina Vice Ganda at John. Kahanga-hanga si Vice, dahil sa hindi pa natatagalan niyang kasikatan ay nakapagpakita na kaagad siya ng pruwebang natapos maitayong magandang bahay na tinitirhan na nila ngayon ng kanyang pamilya. Mula siyempre sa pagsalang niya sa comedy bar ay nag-iipon na siya.
Ang saya-saya ring ipinagmamalaki ni Sweet, na tapos na ang kanyang dream house. Tinitirhan na niya iyon ngayon, na talagang naipundar din niya bunga ng pagsisikap. May mga negosyo din siyang nalugi dati, at nang bumongga ang career at makapag-ipon ay tsaka naisakatuparan na maipagawa ang maganda niyang bahay. Bongga sila!
DAHIL NASA PANAHON pa rin tayo ng celebration tungkol sa Father’s Day, gusto siyempre nating banggitin na si Christopher de Leon ang isa sa kapuri-puring daddy sa mahabang listahan ng mga ama sa showbiz, na halos wala na tayong maipipintas. Sinabi nating halos, dahil si Boyet naman ang tipo ng tao na hindi nagpapaka-perpekto para lang maiangat ang kanyang pa-ngalan. Pero siya naman ‘yung kung ano ang magaganda niyang ugali, bukambibig ng mga taong higit na nakakakilala sa kanya na nagkukuwento kung anong uri ng tao ang husband ni Sandy Andolong.
Bilang daddy, sobrang nakaaaliw raw ang ugali ni Boyet, dahil madisiplina siya sa kanyang mga anak, pero isang tatay na masayang kasama. Mapagmahal si Boyet sa katahimikan, kaya kung mapapansin sa showbiz, hindi siya mahilig sa iskandalo at mga intriga. Bilang aktor, paborito si Boyet katrabaho ng ibang artista, dahil sa kanyang pagiging propesyunal. Sinasaluduhan din ng maraming manunulat ang positibong attitude ni Boyet, dahil hindi siya namimili ke malaki at maliit na pangalan mayroon ang mga manunulat. Lahat ay pinakikiharapan niya.
May isang lumang kuwento kung paanong si Christopher bilang mabuting amo ng kanyang mga kasambahay: Mayroon daw kumuha kay Boyet para sa isang project. Binigyan na siya ng down payment. Minsang wala sa house nila si Boyet, kumontak ang produksiyon. Landline at pager pa lang ang uso noon. Sa telepono, maid ni Boyet ang nakausap nu’ng kumontak. Hindi diretsong masagot ng maid ang mga tanong ng tumawag tungkol sa aktor, kaya minura daw ng caller ang maid. Nang malaman daw iyon ni Boyet, at nang makausap ‘yung kumontak, ang sabi raw ni Boyet: “I-babalik ko na lang ang pera mo, pero huwag mong mumurahin ang kasambahay ko!”
Happy father’s day, Boyet!
ChorBA!
by Melchor Bautista