In This Corner

TUMUNOG ANG isang malakas na bell. Dumighay, tumighim isang lalaking tinig sa mikropono. Pagkatapos humiyaw. In this corner… Tumunog muli tatlong beses ang bell. Sipulan, hiyawan, palakpakan ang mga tao. In this corner… Mayor Arsenio H. Lacson! Hiyawan, palakpakan, sipulan muli.

Dekada ‘70. Tuwing alas-otso ng gabi ng Linggo, milyun-milyong tenga sa buong bansa ang nakatutok sa loob ng ‘sang oras sa radyo DZBB para makinig sa programa. Sa mabagsik, walang pakundangan pana-nalita tinatalakay ni Mayor Lacson ang naglalagablab na isyu sa bansa. Graft and corruption. Junkets. Kapalpakan ng Malacañang, Senado, kapulisan. Mga mandurugas at mapagsamantala sa salapi at kapangyarihan. Walang sinasanto sa mga expose.

‘Yan ang estilo at krusada ni Mayor Lacson kaya binansagan siyang “arsenic” – the best mayor Manila had ever had or would ever have.

Very exciting ang dekadang ‘yon. Away, laitan ng pulitiko kasama na ‘pag minsan, alagad ng simbahan ang laman ng radyo at pahayagan. Talamak ang expose sa korapsyon sa Kongreso at kapulisan. Dito namamayagpag mga de-kalibreng senador kagaya ni Don Quintin Parades, Jose W. Diokno, Dr. Jose P. Laurel, Claro M. Recto at Camilo Osias. Lalo na sa pagkamakabayan at pagsugpo sa mga anomalya at korapsyon. Kung magbabalik-tanaw, halos wala pa ring pinagbago.

Subalit pinakamabagsik na fiscalizer ay si Mayor Lacson. Kung ‘di siya sumakabilang-buhay sa batang edad, tinitiyak na naging pangulo siya ng bansa.

Sa pangkasalukuyan, wala nang kalibre sa ating lingkod-bayan ang kasintulad ni Mayor Lacson.

Sana’y ang krusada ng “In this Corner” ang muling ipagpatuloy ng mga bagong umuusbong na lingkod-bayan. Durugin na ang mga nilulumot na political dynasties. Kailangan ang pagbabago.

SAMUT-SAMOT

 

SA TINAGURIANG “economic pyramid” 2% ang nasa super rich, 10% very rich, 10% middle rich, 20% middle class, 10% lower middle class at 25% very poor o below poverty line. Napakalaki ang pagitan ng super rich at below poverty line brackets. Napakanipis ng middle class. Hanggang ngayon very unequal pa ang distribution ng economic wealth. Napakalungkot.

SA MARAMING remote areas ng bansa, libu-libong mahirap na pamilya ang alipin ng gutom araw-araw. May mga pamilya na mga anak ay halinhinan ang pagkain ng almusal, tanghalian at hapunan. Ito ang pinahayag ng ‘sang survey kamakailan. Maraming lugar ang ‘di pa naabot ng elektrisidad, potable water o manggagamot. Higit na kawawa ang ilan nating cultural minorities na ang kapakanan ay kinaligtaan na ng pamahalaan. Subalit huwag na tayong lumayo. Sa Payatas at Tondo, kahirapan – malubhang kahirapan – kasiping araw-gabi ng ating mga kapatid. Dahil sa kahirapan, laganap ang krimen. Anong silbi ng CCT project ni P-Noy?

WALANG KATORYA-TORYA si PNP Chief Nicanor Bartolome. Palibhasa’y walang field experience, kontento na lang siya sa pagmamando sa kanyang air-conditioned office. Alarmado na ang buong bansa sa upsurge ng lahat ng uri ng kriminalidad – mula sa kidnapping hanggang sexual abuse ng mga bata. ‘Di lilipas ang 24 oras na walang nababalitang nakawan sa bangko, sa mall, at pribadong subdivision. Ano ang sagot ni Bartolome sa situwasyon? Nagpanukala siya na ibalik ang death penalty. Ay, panis na solusyon. Kailangang solusyon ay maigting na pagpapatupad ng batas, pagdisiplina sa kapulisan at police visibility 24 hours a day. Dapat tuunan ng pansin ito ng Pangulo. Isang dahilan ng pagbaba ng kanyang survey rating ay dahil sa breakdown ng peace and order.

HANGGANG NGAYON, at large pa si former Gen. Jovito Palparan. Sino ang nagkakanlong sa kanya? At bakit ang ating kapulisan ang ginagawa niyang inutil at walang silbi. Napabalita na itinatago siya ng ilang retired generals na sympathetic sa GMA administration. Maaaring may basehan ito. Kailangan bang mag-offer tayo lagi ng reward para mahuli ang mga big-time fugitives? Sayang ang sinusuweldo ng kapulisan at iba pang law enforcement agencies. Nangangahulugan din ito na ‘di nirerespeto ng mga wanted criminals ang kakayahan ng ating law enforcement agencies. Nu’ng panahon ni GMA, ang star fugitive ay si Sen. Ping Lacson. Lumutang na lang siya nu’ng panahon ni P-Noy. Wala nang nangyari sa kaso niya.

NAPABALITA NA ang bagong kaaway ni Annabelle Rama ay ang dating megastar Amalia Fuentes. Ay naku, Diyos ko, ‘Day!  ‘Di ba imbes na kaaway, dapat dagdagan ni Annabelle ang kanyang kaibigan at kakampi? Mahirap ang maraming kaaway. Maraming nag-iisip sa ‘yo ng masama. Ngunit sabi ng ‘di iilang salbahe, ito raw ay gimik ni Annabelle para malagay siya sa limelight. Subalit bad limelight. At maaaring bad karma.

IBA’T IBA ang nasasagap nating balita tungkol sa kalusugan ng comedy king Dolphy. Sabi nila, grabe na raw ang kanyang sakit na emphysema. At nabibilang na ang araw. Ayon sa ilan, pinahanda na raw ang memorial ng comedian. Ang lahat ng balitang ito ay balita palang kutsero. Totoong may karamdaman si Dolphy dahil na rin sa katandaan. Ngunit ‘di siya grabe o nasa bingit na ng kamatayan. Ang totoo, ang oras natin sa mundo ay nakatakda. At ang Diyos lang ang nakakaalam kung papaano at kailan. Sa isang TV interview, sinabi ni Dolphy sa kanyang detractors… Wa!

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleMayor Lim vs Erap; at Iligalista sa Makati
Next articleIpadala si B-Nay sa China

No posts to display