HAY, NAKU! Ilang araw muna akong naglamiyerda sa Paris kasama sina Lorna Tolentino at ang dalawang anak niyang sina Ralph at Renz.
Pumunta na rin kami ng Lourdes dahil nu’ng unang punta ko du’n, hindi ako nakaligo roon.
Ang sabi kasi ng mga nakapunta du’n, pati si Ricky Lo, kailangan daw talagang makaligo ako roon. Kaya sa halip na magpa-stem cell sa Germany, naligo na ako sa Lourdes. Siyempre banal-banalan muna ang lola n’yo. Kaya kahit ang haba ng pila at ang tagal namin ni Lorna na nakabilad sa init, okay lang dahil pagkatapos naming maligo roon sa bukal na pinangyarihan ng milagro kay St. Bernadette, ang sarap na ng pakiramdam namin.
Bago kami umalis pa-Paris, na-interview ko naman si Joseph Bitangcol na napanood n’yo naman siguro sa Startalk nu’ng nakaraang Sabado.
Medyo nag-emote sa akin ang ina ni Joseph nang lumabas ang kuwentong iyun dahil parang nasira raw ang anak niya sa kuwento namin.
In fairness naman sa Startalk, maingat ang pag-handle nila ng istorya nito at hindi na nga ipinakita ‘yung halos hubad na siyang natutulog sa kotse.
Marami nga ang naawa sa aktor at tingin ko, hindi naman siya nasira ng kuwentong ‘yun.
Pero naawa rin ako sa Mommy ni Joseph na nagpadala sa akin ng makabagbag-damdaming text.
Kaya ipinagdasal ko na lang sila sa Lourdes. Malalagpasan naman ng aktor ‘yan.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis