TRENDING NGAYON sa kabataan ang pelikulang “The Fault In Our Stars”. Ito ay isang orihinal na libro na isinulat ng kilalang-kilalang manunulat na si John Green. Buwan ng Enero ng taong 2012 nang ito ay naunang nailimbag. At makaraan lamang ang isang araw, umabot sa isang milyon kaagad ang kita mula sa mga librong nabenta. Itong darating na ika-6 ng Hunyo opisyal nang ipalalabas sa mga sinehan ang The Fault in Our Stars pero kahit trailer pa lang ang ipinalabas noong nakaraang buwan, talaga nga namang maraming mga bagets na ang hindi makatulog kahihintay ng araw na ito ay maging showing na rito sa Pilipinas.
Ang kuwento ng The Fault In Our Stars ay tungkol sa dalawang bida na nagngangalang Hazel at Augustus. Si Hazel ay 16 taong gulang na patuloy lumalaban sa sakit na cancer habang si Augustus naman ay 17 taong gulang, isang dating basketball player pero naputulan ng paa dahil sa sakit na osteosarcoma, isang uri rin ng cancer. Nagkakilala sila sa isang cancer patients’ support group. Doon pa lang, napansin na ng dalawang karakter ang isa’t isa. Nasundan ang pagkikita, nagkaroon sila ng picnic kung saan naganap ang pagpapalitan ng paboritong babasahin na nobela. Unti-unti na ring nahulog ang loob sa isa’t isa ngunit pilit itong itinatanggi ni Hazel sa sarili dahil sa takot na iiwanan niya rin si Augustus kapag siya ay namatay dahil sa sakit niya. Umabot din sa pagkakataon na inabisuhan na ng doktor ang ina ni Hazel na dapat sulitin na nang mabuti ni Hazel ang kanyang buhay dahil nalalabi na lang ang oras niya. Nang minsan ding dinala sa ICU si Hazel, doon isiniwalat ni Augustus na nagbalik ang cancer sa kanyang katawan at patuloy itong kumakalat sa kanyang katawan.
Hanggang diyan na lang muna ang aking bibitawang pasilip sa kuwento ng The Fault In Our Stars. Kung inaakala n’yo na halos sinabi ko na ang buong kwento, huwag kayo magalit sa akin dahil nagkakamali naman kayo. Pahapyaw pa lang talaga iyan ng buong kuwento. Kaya hindi na kataka-taka na kay raming mga kabataan ang nag-aabang sa love story nina Hazel at Augustus. Ang sakit nga bang cancer ang hahadlang sa kanilang matamis na samahan? O ito rin ang magiging dahil kung bakit sila ay mananatiling matatag?
Nahihilig ang mga bagets ngayon sa young adult love stories. Kilalang-kilala si John Green pagdating sa ganitong larangan. Hindi rin naman lingid sa ating kaalaman kung ano nga ba ang magic ng young adult love stories, kasi siyempre ito ay sa kadahilanan na ang tema ng bawat kuwento ay istorya ng isang buhay ng isang kabataan na punung-puno ng pighati, kasiyahan at pag-asa. At isa ang The Fault In Our Stars dito.
Kaya siguro kahit maraming bagets ang gustong makapanood ng nasabing pelikula sa kabila ng maraming beses na nila ito binasa ay dahil nais nila itong makitang naisabuhay. Pinatunayan din ng nobelang ito ang lakas ng loob ng mga kabataan dahil katulad sa istorya, kahit parehas may sakit na cancer, walang pinanghinaan ng loob at sabay pang lumalaban hindi lang para sa sarili nila kundi para rin sa mahal nila sa buhay.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo