Inaabuso ng Pinagtatrabahuhang Salon

Dear  Atty. Acosta,

TATLONG TAON na akong namamasukan sa isang salon bilang isang senior stylist. Matagal ko nang alam ang kapabayaan ng aming kumpanya, ngunit ngayon lamang ako nagkaroon ng lakas ng loob na lumapit sa inyo. Kadalasan ay dose oras kaming pinapapasok sa trabaho at kahit Pasko o Bagong Taon ay pinipilit nila kaming magtrabaho, samantalang ang ibang salon ay sarado sa mga araw na iyon. Isa rin sa mga hinaing namin ay ang pagpapasahod sa amin na hindi umaabot sa minimum wage. Tama po ba ang ginagawa ng aming kumpanya sa amin? Sana ay mabigyan ninyo ako ng payo kung ano ang dapat kong gawin upang makamit ang katarungan.

Gumagalang,

Eduardo

 

Dear Eduardo,

MAYROON TAYONG mga batas na nangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa, at ang isa na rito ay ang Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines. Ayon sa Artikulo 83, id, ang normal na bilang ng oras na tatrabahuin ng isang manggagawa ay hindi hihigit sa walong oras. Subalit, hindi isinasang-tabi ng batas na ito ang kalayaan sa pakikipagkasundo, kung saan ang empleyado at ang kanyang employer ay maaaring magkasundo na ang oras ng pagtatrabaho ay hihigit sa nasabing walong oras. Ngunit kailangang bayaran ang manggagawa ng kaukulang overtime pay sapagkat batay sa Artikulo 87, id, “Work may be performed beyond eight (8) hours a day provided that the employee is paid for the overtime work an additional compensation equivalent to his regular wage plus at least twenty-five percent (25%) thereof. x x x” Maaari rin kayong maatasang pumasok sa araw ng pasko o bagong taon kung ito ay sakop ng inyong kasunduan, ito ay napapaloob pa rin sa inyong 40-hour work week. Maaaring hilingin ito sa inyo ng inyong kumpanya, subalit mahalaga na kayo ay bayaran ng kaukulang holiday pay, maliban na lamang kung ang bilang ng regular na empleyado sa inyong pinapasukang salon ay hindi hihigit sa sampu. (Artikulo 94, id)

Kaugnay naman sa iyong sinasahod, nakatakda sa Wage Order No. NCR-15 na ang minimum wage ng isang pribadong manggagawa na nagtatrabaho sa non-agricultural sector sa National Capital Region ay P404.00. Kung ang bilang naman ng manggagawa sa inyong kumpanya ay hindi hihigit sa labing-lima, ang minimum wage na kailangang ipasahod ay P367.00. (http://www.nwpc.dole.gov.ph) Ngunit ang mga sumusunod na mga establisimento ay exempted o maaaring hindi magbigay ng minimum wage kung ito ay: “(1) Distressed establishments; (2) Establishments whose total asset including those but exclusive of the land on which the particular business entity’s office, plant and equipment are situated, are not more than P3Million; (3) Retail/Service establishments regularly employing not more than (10) workers; (4); Establishments adversely affected by natural calamities; (5) Micro and small indigenous exporters as certified by the Export Development Council, subject to the criteria and requirements to be provided for in its Implementing Rules.” (Section 8, Republic Act No. 6727).

Samakatuwid, kung ang inyong pinagtatrabahuan ay isa sa mga nabanggit na uri ng establisimento ay maaari itong magpasahod nang mas mababa sa itinakdang minimum wage. Sa kabilang banda, kung ito ay hindi nabibilang sa mga nabanggit at hindi ito susunod sa nasabing kautusan ay maaari itong maparusahan.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleDirek Wenn Deramas at DJ Durano, nagkabalikan na
Next articleKiefer’s heavy work-out

No posts to display