Dear Atty. Acosta,
Isa po akong OFW. Noong umalis po ako rito ok pa kami ng asawa ko. May anak kaming isa. Ilang buwan pa lang po ako sa abroad ay nag-asawa na siya ng iba. Hindi na rin po siya nagpapakita sa anak namin. Maaari ko po bang ipawalang-bisa ang aming kasal dahil sa ginawa niya?
Marie
Dear Marie,
AYON SA batas, sa pagpapawalang-bisa o pagpapadeklarang walang bisa ng isang kasal, kailangang ito ay mayroong sapat na basehan upang ito ay maisakatuparan. Ang mga basehang ito ay maliwanag na itinatakda ng batas, partikular na ang Family Code of the Philippines. Subalit hindi kabilang sa mga nasabing basehan ang pagpapakasal muli ng iyong asawa sa ibang babae. Hindi mo ito magagamit na basehan upang ipawalang-bisa o ipadeklarang walang bisa ang iyong kasal sa iyong asawa.
Magkaganu’n man, ang ginawang pagpapakasal ng iyong asawa sa ibang babae ay maaari namang maging basehan upang patunayan na ang iyong asawa ay dumaranas ng “psychological incapacity”. Ayon sa batas, ang kasal ay walang bisa kung ang isa sa o parehong mag-asawa ay dumaranas ng “psychological incapacity” o ang kakulangan sa pag-iisip na nagdudulot ng kabiguang tumupad sa mga pangunahing tungkulin o obligasyon ng isang taong may asawa tulad ng pagsasama sa iisang bubong, pagmamahalan, pagtitiwala, paggalang at pagkakaloob ng suporta sa isa’t isa (Article 35, Family Code of the Philippines).
Dahil dito, maaari kang magsampa ng kaso sa korte upang ipadeklarang walang bisa ang iyong kasal sa iyong asawa. Kailangan mo lamang patunayan na ang iyong asawa ay dumaranas ng “psychological incapacity”. Kailangan mo itong mapatunayan sa korte sa pamamagitan ng pagbibigay ng iyong salaysay at ng iba pang testigo. Bukod pa rito, maaari mo ring hingin ang opinyon ng isang dalubhasa, katulad ng isang psychiatrist o psychologist, patungkol sa kalagayan ng pag-iisip ng iyong asawa. Ang opinyon ng nasabing dalubhasa ay kailangang maipresenta sa hukuman upang lalong makumbinsi ang korte na ang pagkukulang ng iyong asawa para gampanan ang kanyang obligasyon bilang taong may asawa ay nag-ugat sa diperensyang pang-sikolohikal (psychological).
Atorni First
By Atty. Persida Acosta