Inabandonang pamilya

Dear Atty. Acosta,

AKO PO AY ikinasal noong 1997sa edad na 18. Ang napangasawa ko ay naging iresponsable. Ayon sa kanya, ayaw muna niyang magkapamilya kaya siya umalis sa amin. Nagkahiwalay kami ng asawa ko noong 2002. Inabandona niya kami ng dalawa kong anak. Mula noon ay wala na kaming komunikasyon at wala siyang sustento sa mga anak namin. 

Gusto ko lamang pong alamin kung p’wede kong i-file sa korte ang “presumptive death” para mapawalang-bisa ang aming kasal dahil kung idadaan ko sa annulment ay matagal at wala akong pagkukunan ng pinansyal na pangangailangan, wala akong malalaman kung nasaan na siya dahil ni minsan wala na kaming balita tungkol sa kanya.  Gusto ko na rin pong mapawalang-bisa ito sapagkat karapatan ko na ring lumaya at mabigyan ng magandang buhay ang mga anak ko. Nais ko pong hingin ang inyong payo kung ano ang hakbang na gagawin para mapadali ang pagwawalang-bisa ng kasal namin sa pamamagitan ng filing ng presumptive death.

Umaasa,

Librada

Dear Librada,

ANG PAGPAPADEKLARA NA “presumptively dead” ang isang tao ay kinakailangang nag-ugat sa totoong paniniwala na namatay na nga ang isang tao at hindi upang ipamalit sa proseso ng pagpapawalang-bisa o pagpapadeklarang walang bisa ang isang kasal.

Ayon sa batas, maaaring magsampa ng petisyon upang ipadeklarang patay na ang asawa kung ito ay nawawala o hindi nagpapakita nang apat (4) na taon at mayroong malakas na paniniwala ang nanatiling asawa na ito ay patay na. Kung nawala naman ang asawa habang nagaganap ang isang mapanganib na sitwasyon gaya ng paglubog ng barko, maaaring magsampa ng petisyon ang nanatiling asawa upang ipadeklarang patay na ang kanyang asawa pagkalipas ang dalawang (2) taon. (Art. 41, Family Code of the Philippines kaugnay ng Art. 391, Civil Code of the Philippines)

Upang makapaglagak kayo ng ganitong petisyon, kinakailangang totoong hindi ninyo alam kung nasaan na ang inyong asawa at wala kayong anumang balita patungkol sa kanya. Hindi sapat na kayo ay inabandona ng inyong asawa upang maipadeklara itong patay na. Kinakailangang inyong hinanap ang inyong asawa ngunit walang nangyari sa nasabing paghahanap upang inyong mapatunayan na kayo ay mayroong totoo at bukal na paniniwala na namatay na nga ang inyong asawa.

Dapat ninyo ring malaman na hindi mapapawawalang-bisa ang inyong kasal sa pamamagitan ng isang deklarasyong patay na ang inyong asawa. Ang epekto ng deklarasyong mula sa hukuman na “presumptively dead” na ang inyong asawa ay kahalintulad ng epekto kung talagang namatay nga ang inyong asawa. Nananatiling balido ang nasabing kasal ngunit napuputol na ang legal na ugnayan ng mag-asawa dahil sa pagkamatay ng isa sa mga partido. At dahil na rin dito, kapag bumalik ang asawa na nauna nang naideklara ng hukuman na patay na, manunumbalik ang legal na relasyon na namamagitan sa mag-asawa at magpapatuloy ang bisa ng kanilang kasal. Samakatuwid, kung kayo ay magpakasal sa ibang tao pagkatapos maideklarang patay na ang inyong naunang asawa at ang siya ay muling lumitaw at ipinatala ang kanyang sinumpaang salaysay ng pagbabalik, kagyat na mapuputol ang inyong legal na relasyon sa inyong bagong asawa at manunumbalik ang legal na relasyon ninyo sa inyong naunang asawa. (Art. 41, Family Code of the Philippines)

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBiktima V
Next articleRaket ni teacher

No posts to display