HABANG NASA Hawaii at nagtatrabaho bilang OFW ang kanyang uncle, “inasawa” ni Barangay Chairman ang misis nito – na kanyang auntie. Hindi nagtagal, binigyan ni Chairman ng trabaho si Auntie sa barangay hall bilang kanyang sekretarya para ito’y hindi mawala sa kanyang paningin at palaging nasa tabi niya.
Ito ay totoong pangyayari sa isang barangay sa Ilocos Region. Dahil sa ginawa ni Chairman, nagkasira-sira ang samahan ng kanilang buong angkan hanggang sa humantong sa demandahan. Sa sobrang sama ng loob, bumalik din si Uncle sa Hawaii at ngayon ay namumuhay na ng tahimik kasama ang bagong asawa.
Sa ngayon, kapag nakikita si Chairman ng kanyang iba pang mga uncle na naglalakad sa harap ng kanilang bahay, dali-dali nilang isinasara ang kanilang mga pinto’t bintana baka sila naman daw ang masalisihan ni Chairman.
SA ISANG barangay sa Nueva Ecija naman, dalawang binatilyo ang nabalitaan ni Chairman na nagsuntukan. Ipinatawag ni Chairman sa barangay hall ang dalawa. Pagdating nila sa harap ni Chairman, inakala nilang pag-aayusin sila.
Pero laking gulat nila nang utusan sila ni Chairman na magsuntukan muli para mapanood niya kung sino ang magaling sa kanilang dalawa. At nagrambulan ngang muli ang dalawang binatilyo sa harap ni Chairman sa loob mismo ng barangay hall.
Pagkalipas ng ilang saglit, natapos ang suntukan dahil umayaw na ang talunan. Nabitin si Chairman at napikon kaya nilapitan niya ang talunang binatilyo at binatukan niya ng dalawang beses bilang parusa.
Sa ngayon, si Chairman ay nahaharap sa patung-patong na kasong administratibo at kriminal.
ANG BARANGAY Chairman ang itinuturing na ama ng barangay. Siya ang takbuhan ng kanyang mga kabarangay sa samu’t saring problema lalo na kung ito ay may kinalaman sa away-pamilya o away-kapitbahay.
Siya ang nagsisilbing tagapamagitan upang maayos ang mga simpleng gusot na nagaganap sa kanyang barangay, bukod pa sa siya ang inaasahang maging promotor ng kapayapaan at kaayusan sa kanyang kinasasakupan.
Bilang ama ng barangay, siya dapat ang tinitingala at nagiging huwaran ng kanyang mga kabarangay. Pero paano kung ang mga barangay chairman natin ay sintulad ng “auntie-killer” na chairman sa Ilocos at “warfreak” na chairman sa Nueva Ecija?
Pangkaraniwan nang makatanggap kami ng samu’t saring reklamo halos linggu-linggo laban sa mga barangay chairman sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas na mismong mga kabarangay nila ang nagsusumbong sa akin sa Wanted Sa Radyo at T3 Reload.
Pero nasa kamay pa rin ng mga nagsusumbong ang ultimong solusyon para maiwasan ang mga pang-aabuso ng kanilang mga barangay chairman. At ito ay ang piliin nilang mabuti ang iboboto nilang chairman sa tuwing eleksyon at huwag padadala sa suhol na alak o isang kilong bigas at de latang sardinas.
ISANG IMPORMASYON ang aking natanggap kahapon na ilan sa mga kargamento umano ng Star World ang naharang ng grupo ni Deputy Commissioner for Intelligence Group General Danilo Lim. Ayon sa nasabing impormasyon, mga bigas at gulay ang laman ng mga container na naharang.
Agad kong tinawagan si DepCom Lim para kumpirmahin ang natanggap kong impormasyon. Dahil marami at sunud-sunod ang mga accomplishment ng grupo ni DepCom Lim, hindi niya agad maibigay ang impormasyon tungkol sa Star World at nangakong aalamin.
Sinabi ko kay DepCom Lim na bumubuhos na naman muli ang smuggling ng mga bigas – at ngayon ay gulay, sa MICP. At dapat bantayan niya ang Star World.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ang T3 Reload ay napanonood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7WANTED at 0918-983T3T3.
Shooting Range
Raffy Tulfo