HINDI PA natatapos ang buwan ng Enero pero tinodo na talaga ng controversial actress na si Nadine Lustre ang pagpapasabog. At hindi lang talaga basta pasabog, ha? Bonggang fireworks pa talaga ang pinapalipad nito ngayon sa samu’t saring issues na kinasasangkutan niya.
Una na r’yan ang initial denial ng kampo ni Nadine na hiwalay na sila ni James Reid. Bwineltahan nito ang ilan sa mga kilalang entertainment writers na hindi raw totoo ang kumakalat na balita. Magkasama pa nga sila sa Brazil para sa pictorial ng isang sikat na fashion magazine.
Pangalawa ay ang joint statement ng JaDine na totoong sila’y hiwalay na sa TWBA. Wala raw third party na involved at may kani-kanyang life plans daw sila na hindi na nagtutugma. In short, they’re growing apart. Sa kasagsagan ng pag-iyak ng mga heartbroken loyal fans ng JaDine ay lumabas pa ang isyu na isang kaibigan nila diumano ang hudyat ng kanilang paghihiwalay.
Ngayon naman ay nagpahayag na ang mga abogado ni Nadine na tini-terminate na niya ang managerial contract niya sa Viva Artists Agency na kung tama ang pagkakaalam namin, may natitira pang eight years ang dalaga sa ilalim VAA. Siya na raw ang magmamanage ng kanyang sariling karera na agad naman sinalungat ng kampo ng Viva. Ang balita pa nga ay mauuwi pa ‘ata sa demandahan dahil sa ‘breach of contract’ ng kampo ni Nadine sa major studio na nagbigay ng malaking showbiz break sa kanya.
Kahapon lang ay napansin ng mga fans ni Nadine ang IG story update nito ang e-mail address na ‘[email protected]‘ na ang ibig sabihin ay puwedeng dumiretso ang mga interested producers or possible clients na gustong kumuha sa serbisyo niya.
Ang problema nga lang dito ay kung matuloy man ang kaso ng Viva laban kay Nadine ay madadamay ang kung sinuman na makikipagnegosasyon ng direkta sa dalaga.
NAKAKALOKA TALAGA! Sa katatapos lang na Viva Vision 2020 ay ibinunyag ni Boss Vic del Rosario ng Viva na may seven movies pang naka-line up para kay Nadine at sa kanila lang ‘exclusively’ pwede gumawa ng pelikula ang aktres.
Naaalala tuloy namin ang nangyari noon kina Sarah Lahbati at Aljur Abrenica nang subukan nilang kumalas sa GMA Artists Center. For a while ay naging ‘frozen delight’ ang dalawa sa Kapuso network. Sa ngayon ay happy na sila sa Kapamilya network.
Kung eight years pa ang natitirang kontrata ni Nadine sa Viva, hindi ba puwedeng daanin na lang sa mabuting usapan? With No James and No Viva, can Nadine Lustre truly stand on her own? Abangan natin ‘yan!