SA KABILA NG pamamayagpag ng independent films sa katatapos na Ika-34 Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, na ginanap sa Marriot Hotel sa Pasay City noong May 17, pasok pa rin sa mga binigyan ng parangal ang ilang mahuhusay na mainstream actors.
Isa sa kinilala ng Urian ang husay sa pagganap ng sexy actress na si Rosanna Roces bilang Best Supporting Actress para sa pelikulang Presa, isa ring indie movie. Muli ngang nagningning ang bituin ni Osang at pinatunayan niyang hindi pa rin matatawaran ang kanyang husay sa pagganap.
Isa nga si Osang sa mga iilang sexy actress na nagawa namang makaigpaw sa pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan at naibuga ang husay bilang aktres.
Bukod kay Rosanna, kinilala rin ng Urian ang husay sa pagganap sa pelikula nina Sid Lucero na nagwagi ng Best Actor para sa pelikulang Muli at Joem Bascon na nakuha ang Best Supporting Actor award para sa Noy.
Pinarangalan naman bilang Aktor ng Dekada si Coco Martin, habang nag-tie naman sina Gina Pareño at Cherry Pie Picache bilang Aktres ng Dekada.
Bigatin din ang mga performers sa nasabing awards night na pinangunahan nina Christian Bautista, Jovit Baldivino, Sitti Navarro at Angeline Quinto. Nagtanghal din ang mga rakistang sina Ney Dimaculangan at Tutti Caringal ng 6 Cycle Mind, at Kean Cipriano ng Callalily na ibinirit ang mga awitin ng Eraserheads tulad ng Para sa Masa at Pare Ko.
Nagbigay naman ng tribute song number si Lea Salonga bilang pagkilala sa mga pelikulang Pilipino na humakot ng mga parangal sa ibang bansa.
Naging hosts sa awards night sina Cesar Montano, Ai-Ai delas Alas at Butch Francisco.
Big winner nang gabing iyon ang pelikulang Ang Damgo ni Eleuteria na nakuha ang mga parangal bilang Best Picture of the Year, Best Director, Best Cinematography at Best Music.
Narito ang buong listahan ng mga nagwagi sa Ika-34 Gawad Urian: Best Picture – Ang Damgo ni Eleuteria; Best Director – Remton Siega Zuasola (Ang Damgo ni Eleuteria); Best Actress – Fe GingGing Hyde (Sheika); Best Actor – Sid Lucero (Muli); Best Supporting Actress – Rosanna Roces (Presa); Best Supporting Actor – Joem Bascon (Noy); Best Screenplay –Arnel Mardoquio (Sheika); Best Cinematography – Christian Linaban (Ang Damgo ni Eleuteria); Best Production Design – Rodell Cruz (Amigo); Best Editing – Willie Apa, Jr. and Arthur Ian Garcia (Sheika); Best Music – Jerrold Tarog (Ang Damgo ni Eleuteria); Best Sound – Dempster Samarista (Limbunan); Best Short Film – Wag Kang Titingin by Pam Miras; Best Documentary Film – Kano: An American and His Harem by Monster Jimenez.
Kinilala rin ng Gawad Urian ang 10 Pinakamahuhusay na Pelikula ng Dekada: Tuhog (2000), Batang West Side (2001), Babae Sa Breakwater (2003), Magnifico (2003), Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino (2004), Ang Pagdadalaga Ni Maximo Oliveros (2005), Kubrador (2006), Serbis (2008), Kinatay (2009), at Lola (2009).
Ibinigay naman ang Natatanging Gawad sa scriptwriter na si Jose F. Lacaba.
Photos by Mark Atienza
By Dani Flores
Premiere Shots
Pinoy Parazzi News Service