NAGPAHAYAG NG SOLIDONG suporta ang hanay ng mga informal settlers sa Quezon City kay mayoral candidate Mike Defensor at sa katandem nitong si vice-mayoral candidate Aiko Melendez.
Naniniwala ang mga informal settlers sa lungsod na sa pamamagitan ng masidhing pagnanais ni Defensor mula noong konsehal pa lamang ito ay matutupad ang kanilang matagal NAng pangarap na magkaroon ng sariling tahanan.
“Nakita namin kay Mike na tunay ang kanyang hangarin para sa amin at malinaw ang kanyang mga programa. Hindi kami nagdududa na maipatutupad niya ang kanyang mga plano para sa mga mahihirap na tulad namin,” pahayag ni Mang Clemente Garcia ng Payatas.
Kabilang sa mga hinahangaan ng mga informal settlers sa mga programa ni Defensor ay ang programa para sa pabahay na sila mismo ang direktang benepisyaryo. Nauna nang sinabi ni Defensor na lalo niyang pagbubutihin ang kasalukyang pagpapatupad ng socialized housing program sa lungsod.
Bagama’t tumatakbo ang programang pabahay sa kasalukuyang sa lungsod, marami pa rin umano sa mga maralitang taga-lungsod ang nananatiling walang katiyakan sa paninirahan kung saan ang iba pa sa kanila ay matatagpuan sa mga danger zones tulad ng center islands at mga bangketa.
“Naniniwala ako na posible pa rin nating pagsumikapan na mabigyan ng katiyakan sa paninirahan ang ating mga kababayan nang hindi natin sila kailangang itapon palabas ng Quezon City. Nakahanda akong makipag-ugnayan sa mga kinauukulan at pangunahan ang pagpapatupad ng programang pabahay upang wala nang iskuwater sa ating lungsod,” pahayag ni Defensor.
Samantala, wala namang alinlangan ang mga informal settlers sa kakayahan ni Defensor dahil na rin sa kanyang mga karanasan bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) kung saan nakapagtala siya ng outstanding record sa programang pabahay.
Bukod sa pabahay, direktang makatutulong rin sa mga informal settlers ang programa para sa edukasyon, QC Health Card, turismo na tiyak manganganak ng trabaho, livelihood at programa para sa kalusugan.
Pinoy Parazzi News Service