Dear Atty. Acosta,
MABIGAT PO ANG aking problema dahil sa iniipit ng amo ko ang pasaporte ko. Maaari ko po ba siyang ireklamo? – Marina
Dear Marina,
ANG BAWAT TAO ay may karapatan na pangalagaan hindi lamang ang kanyang sarili kung hindi pati na rin ang kanyang mga pagmamay-ari. Sa iyong kalagayan, kung ang pagkuha ng iyong amo sa iyong pasaporte ay may legal na basehan, masasabing ikaw ay walang batayan upang maghain ng reklamo. Ngunit kung ang pagkuha niya ng iyong pasaporte ay labag sa iyong kalooban at walang legal na basehan o kasunduan ukol dito, ikaw ay maaaring maghain ng reklamo base sa dalawang batayan.
Ang una ay ang krimen na grave coercion. Ayon sa Article 286, Paragraph 1 ng Revised Penal Code, “The penalty of prision correccional and a fine not exceeding six thousand pesos shall be imposed upon any person who, without authority of law, shall, by means of violence, threats, or intimidation, prevent another from doing something not prohi-bited by law x x x” Ang ibig sabihin nito ay maaaring maparusahan ang iyong amo kung siya ay gumamit ng dahas, pagbabanta o pananakot upang mapasakamay niya ang iyong pasaporte at kung ang kanyang gawain ay nagdudulot sa iyo ng suliranin dahil ikaw ay napipigilang malayang makakilos at makaalis ng bansa. Kagaya ng nakasaad sa nasabing batas, hindi maaaring pigilan ang isang tao na gawin ang kanyang ninanais hangga’t ito ay hindi labag sa ating batas. At kahit mayroong basehan ang iyong amo upang hawakan pansamantala ang iyong pasaporte, nararapat na idaan niya sa tama at legal na proseso, para na rin sa gayon ay hindi natatapakan ang iyong karapatan.
Ang ikalawang batayan ay ang illegal recruitment. Maaaring masaklaw ng batayang ito ang iyong kalagayan kung ikaw ay isang manggagawa na nagnanais makarating sa ibang bansa, at ikaw ay naghanap ng trabaho sa pamamagitan ng “recruitment agencies” o mga tao at kompanyang gaya nito. Ang kadalasang nangyayari ay hinahawakan ng mga nasabing ahensya ang mga pasaporte o dokumento ng mga aplikante, at kung sila ay hindi makapagbayad ng recruitment fees ng mga nasabing ahensya ay hindi nila ito ibabalik. Ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng ating batas. Ayon sa Section 6, Sub-paragraph (k) ng Republic Act No. 8042, o ang Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995, “For purposes of this Act, illegal recruitment x x x shall include the following acts, whether committed by any person x x x (k) To withhold or deny travel documents from applicant workers before departure for monetary or financial considerations x x x” Samakatuwid, ang pag-ipit ng pasaporte ay labag sa batas. Maaari kang maghain ng reklamo sa tanggapan ng Anti-Illegal Recruitment Branch ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at kung mapatunayan na lumabag sa batas ang iyong amo, maaari siyang patawan ng kaukulang parusa.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta