Iniipit ng Recruitment Agency ang Passport

Dear Atty. Acosta,

 

AKO AY nag-apply sa isang recruitment agency para makapagtrabaho sa Saudi Arabia. Kinailangan ko pong iwan ang aking passport sa agency sapagkat ito raw ay office procedure nila. Paalis na dapat ako noong  Enero pero nagback-out ang aking employer dahil marami na raw silang nakuhang empleyado para sa posisyon ko. Dahil dito, pinilit kong makuha ang aking passport at placement fee. Ayaw ibigay ng agency ang aking passport hangga’t hindi ko raw nababayaran ang halagang P5,000. Iniipit din nila ang refund ng aking placement fee. Ano po ba ang maaari kong maisampa sa POEA laban sa agency?

 

Mena

 

Dear Mena,

 

ANG RECRUITMENT agency na humihingi ng pera kapalit ng pagbibigay ng passport ng aplikante ay maaaring magkaroon ng administrative liability.

Ayon sa 2002 Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Rules and Regulation Governing the Recruitment and Employment of Land-Based Overseas Workers, magkakaroon ng administrative sanction ang recruitment agency na magtatago ng travel document, kagaya ng passport, o iba pang mahahalagang dokumento ng isang aplikante kapalit ng pagbabayad ng halaga na hindi otorisado ng ating batas (Part VI, Rule 1, Section 2[l]).

Ipapataw ng POEA ang dalawa hanggang anim na buwang suspensyon ng lisensya upang mag-recruit kapag napatunayan na lumabag ang recruitment agency sa regulasyon na ito. Kapag naulit pa ang paglabag, ang lisensya ay maaaring isuspende ng anim na buwan at isang araw hanggang isang taon.

Samantala, ipag-uutos naman ng POEA na kanselahin na ang nasabing lisensya sa 3rd offense (Part VI Rule IV, Section 1[b][6] 2002 Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Rules and Regulation Governing the Recruitment and Employment of Land-Based Overseas).

Sa kabilang dako, maituturing naman na isang illegal recruitment sa ilalim ng POEA Rules and Regulations ang hindi pagre-refund ng iyong placement fee. Ayon dito, maaaring makasuhan ang agency, lisensyado man o hindi, ng illegal recruitment kung hindi nito ibinigay ang placement fee at ibinalik lahat ng ginastos ng employee kaugnay ng kanyang aplikasyon upang makapagtrabaho sa ibang bansa, kung saan sa hindi inaasahang pagkakataon ay hindi natuloy ang aplikante sa kanyang pagtrabaho nang wala siyang kasalanan. (Rule X, Section 1[m], 2002 Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Rules and Regulation Governing the Recruitment and Employment of Land-Based Overseas).

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleUAAP ‘77 Final Four Cast, Buo na!
Next articleBayarang Batas!

No posts to display