UMABOT SA 45 ang heat index na naitala ngayong buwan ng Abril at Mayo, senyales ito ng isang nagbabadyang malaking problema para sa Pilipinas. Sa mga kabahayan dito sa Metro Manila, kani-kaniyang paraan na lamang ang ginagawa ng mga tao para maibsan ang labis na init sa maghapon at magdamag.
Sa araw-araw nitong huling dalawang linggo, hindi bumababa sa 40 ang heat index sa Metro Manila at mas mataas pa sa mga probinsya ng Laguna, Batangas, Tarlac, Pangasinan at Tuguegarao. Sa Metro Manila, mataas din ang insidente ng heat stroke at iba’t ibang sakit na dulot ng matinding init ng panahon. Iba na talaga ang panahon na binabata natin ngayon, kung hindi tayo gagawa ng paraan ay malamang na marami ang mapapahamak.
Bakit tila taun-taon ay patindi nang patindi ang pag-init sa Pilipinas? Ang problemang ito ay problema ng buong mudo. Hindi na bago sa atin ang problema ng climate change at ilang taon na rin itong pinag-uusapan sa iba’t ibang forum at programa sa telebisyon. Marami na ring news documentary ang ginawa at naipalabas ang problemang climate change.
Makailang ulit na ring tinalakay ko sa aking mga artikulo ang isyung ito. Ngunit, kakaiba na ang panahon ngayon. Mas mahirap talaga ang nararamdaman natin ang tunay na problema. Nandito na at ramdam na natin ang tunay na global warming.
ANG ISA pang matinding epekto ng mainit na panahon ay ang pagkasira ng agrikultura sa Pilipinas. Natutuyot ang mga sakahan at ang mas malalim na epekto nito ay ang magiging kakulangan sa supply ng bigas at iba pang produktong pang-agrikultura. Kung magkukulang ang mga lokal na supply ng pagkain, tiyak na tataas na naman ang presyo ng mga bilihin. Kapag nagkataon, hindi lang init ang problema ng mga Pilipino ngayon, kundi pati na ang pagkagutom.
Bukod sa mga pang-agrikulturang problema na dulot ng global warming, mas nagiging malalakas ang bagyong dumarating sa atin. Ayon sa mga eksperto ay kapansin-pansin ang tindi ng mga bagyong dumating sa bansa sa nakalipas na 10 taon. Sa kanilang talaan at pag-aaral ay napansin nilang palakas nang palakas ang bagyo dahil patindi rin nang patindi ang init taun-taon dala ng climate change.
Ang ibig sabihin, mayroon pang darating na bagyong mas malalakas pa sa mga huling super typhoon na nagdulot ng grabeng sakuna sa Kabisayaang bahagi ng Pilipinas. Bago pa rumagasa ang bagyong Yolanda sa Tacloban noong nakaraang taon ay nauna na ang pagtala ng PAG-ASA ng mataas na heat index sa bansa. Umabot din sa 41 ang heat index na naitala sa Luzon at Visayas sa huling dalawang buwan bago dumating ang bagyong Yolanda. Samakatuwid, maaari nating ipagpalagay na dahil sa umabot sa 45 ang heat index ngayong huling dalawang buwan ng Abril at Mayo, maaaring mas malakas pa sa bagyong Yolanda ang darating ngayong tag-ulan.
ANG PROBLEMA ng climate change ay mas nauunawaan na ngayon ng mga pangkaraniwang Pilipino dahil nararamdaman na nating lahat ang epekto nito. Ang climate change ay isang banta sa buhay ng buong sanlibutan. Hindi lamang sa Pilipinas ang epekto nito, kundi pati ang mga mayayamang bansa ay apektado ng init dala ng global warming. May mga pag-aaral at mungkahi na maaaring magdala ng kalutasan sa problema ng climate change, ngunit isa ang Pilipinas sa mga bansang hindi agresibo sa paglaban sa problemang ito.
Magiging malaking tulong para sa ating lahat kung ang mga lider na pipiliin natin sa darating na 2016 National Election ay may adbokasiya para sa kalikasan. Ang mga susunod na mambabatas ay dapat ‘yong mayroong pagkalinga sa ating kalikasan. Sila ay dapat gumawa ng mga batas na magpapatupad ng mga hakbang para sa paharap natin sa problema ng climate change.
Ang susunod na pangulo ng bansa ay dapat iyong may programa para sa problemang climate change at para protektahan ang ating kalikasan sa Pilipinas. Ang programang pangkalikasan ay isa sa mga political agenda na hindi gaanong binibigyang-pansin ng mga lider at kandidatong nag-aasam ng puwesto sa gobyerno. Dapat ay siguraduhin nating nasa unahang listahan ng mga priority programs at plataporma ng kakandidatong personalidad ang isyu ng pagkasira ng kalikasan sa Pilipinas at climate change. Ito ang isa sa mga pangunahing hakbang na maaari nating gawin bilang mga mamamayan.
MAHABA PA ang mainit na panahon sa umaga at maalinsangang gabi dahil hindi naman natin mapipigilan na ang epekto ng global warming na dala ng climate change. Nandito na ang problema kaya’t kailangan na natin magmadali sa mga maaari pang solusyon sa init at marami pang problema dala ng climate change.
Ang susunod na gobyerno ay dapat seryosohin ang problema dala ng climate change. Isang kongkretong plano ang dapat ilatag ng susunod na pamahalaan para matiyak na hindi tayo nagpapabaya sa problemang ito. Ang mga anak natin at apu-apuhan ang haharap sa mas matinding problema kung hindi natin magagawan ng solusyon ang climate change ngayon.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am – 12:00 nn.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood din sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Panoorin ang T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo