Iniuwi sa Bahay ang Babae ng Asawa

Dear Atty. Acosta,

AKO PO ay kasal ng tatlong taon pero nagloko po ang mister ko. Inuwi po niya ‘yung babae niya sa apartment namin at pinatulog ako sa biyenan ko para masolo niya ang bahay. Noong ako ay bumalik sa aming apartment, ako po ay pilit niyang pinapaalis at ang pakilala niya sa akin sa kanyang babae ay isang pinsan niyang galing sa probinsya. Ako po ay buntis ng 4 months at itinatanggi niyang sa kanya itong ipinagbubuntis ko. Sa pagkakataong ito ay gusto na niyang ipa-annul ang aming kasal para naman mapakasalan niya ang kanyang babae. Noon ko na rin natuklasan na siya pala ay kasal na sa iba nang ako ay pakasalan niya. Bago kami magkahiwalay, kami ay nag-usap tungkol sa mga ari-arian sa bahay subalit ako ay kanyang sinaktan at katulong pa ang kanyang nanay. Gusto ko na po sanang magpakasal sa longtime boyfriend ko ngunit wala akong budget para magsampa ng annulment. Ano po ba ang p’wede kong isampa laban sa aking asawa at sa kanyang nanay?

Kaysy

 

Dear Kaysy,

MARAMING KASO ang maaari mong isampa laban sa iyong asawa. Una, ang pagsasama ng iyong asawa at ng kanyang kinakasama sa iyong tinitirahang bahay ay ipinagbabawal ng batas, at ito ay may karampatang kaparusahan. Maaari mong sampahan ng kasong Concubinage ang iyong asawa at ang nasabing babae. Ayon sa Article 334 ng Revised Penal Code of the Philippines, ang pagsasama ng isang lalaking may asawa at isang babae na hindi naman niya asawa sa isang bahay kung saan nakatira ang pamilya ng lalaki o sa ibang bahay upang doon sila ay magsama bilang isang tunay na mag-asawa ay mayroong kaparusahang pagkakulong na hindi bababa sa anim (6) na buwan at hindi lalagpas sa apat (4) na taon.

Pangalawa, ang pisikal at sikolohikal na pananakit sa iyo ng iyong asawa ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas alinsunod sa Republic Act No. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) Law. Sa ilalim ng batas na ito, ang sino mang lalaki na mananakit sa kanyang asawa o karelasyong babae, maging pisikal, sikolohikal o ekonomikal, ay mayroong karampatang kaparusahang pagkakulong. Kung kaya maaari mong sampahan ng kaso ang iyong asawa dahil sa paglabag sa batas na ito. Ganun din, maaari mo ring sampahan ng kasong pananakit ang iyong biyenang babae sang-ayon sa Article 266 ng Revised Penal Code of the Philippines.

Pangatlo, nabanggit mo na dalawang beses nagpakasal ang iyong asawa, dahil dito maaari mo siyang sampahan ng kasong Bigamy. (Article 349, Revised Penal Code of the Philippines) Ang paglabag sa batas na ito ay mayroong kaparusahang pagkakulong mula 6 na taon at 1 araw hanggang 12 taon.

Patungkol naman sa iyong kagustuhan na ipawalang-bisa ang iyong kasal sa iyong asawa, kailangan mong maghain ng Petisyon sa korte para hilinging ideklarang walang bisa ang inyong kasal. Kakailanganin mo ang serbisyo ng isang abogado sa Petisyong ito upang magrepresenta sa iyo sa korte. Kung ikaw ay walang kakayahang magbayad sa isang pribadong abogado at ikaw naman ay kuwalipikado, ang aming tanggapan ay handang magbigay ng libreng legal service sa iyo.

Malugod po namin kayong  inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na alas-2 ng hapon.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleDurugin ang Rocket ng N. Korea
Next articlePagyuko ng Kawayan

No posts to display