TILA BINIGYAN PA ni Manny Pacquiao ng partida ang kalabang si Shane Mosley, pero wala pa ring nagawa ang Amerikano para pabagsakin ang Pambansang Kamao.
Iniulat ng TMZ.com na bago naaksidente umano ang sinasakyan ni Pacquiao bago pa ganapin ang sagupaan nila ni Mosley kinagabihan sa Las Vegas.
Ayon sa ulat ng TMZ.com, galing sa isang source na malapit kay Pacquiao ang nasabing balita, kung saan ga-ling sa pagsisimba si Pacquiao nang isa sa mga security vehicles na bumubuntot kay Pacquiao ang aksidenteng bumangga sa sinasakyan nito.
Gayunman, nakabalik din kaagad si Pacquiao sa hotel na tinutuluyan, na agad din namang sinuri ng kanyang trainer na si Freddie Roach. Ayon pa sa source ng TMZ, ‘little shaken up’ lang daw si Pacquiao, at handang-handa pa rin ito sa laban kinagabihan.
Natunghayan nga ng milyun-milyong boxing aficionados sa loob at labas ng bansa, kung paanong nakuha ni Pacquiao ang unanimous decision ng tatlong judges para mapanatili nito ang WBO welterweight crown kinagabihan (umaga sa Pilipinas) sa MGM Grand sa Las Vegas.
Unang nakatikim ng bagsik ng kamao ng Saranggani congressman si Mosley sa third round sa pamamagitan ng left straight kung saan bumagsak ang challenger sa 1:17 mark. Halos nagpaikut-ikot na lang si Mosley sa katapusan ng round habang iniiwasan ang mga kumbinasyon ni Pacquiao.
Pinabagsak naman ni Mosley si Pacquiao sa 10th round nang patulak, pero tinignan pa rin iyon ng referee na si Kenny Bayles na isang knockdown, na hindi naman binili ng mga judges ayon na rin sa kanilang scores. Lumabas sa scores na isang judge lang ang nagbigay ng isang round kay Mosley, habang ibinigay ng dalawa pa ang lahat ng rounds kay Pacquiao: 119-108, 120-108 and 120-107.
Hindi man na-knockout ni Pacquiao si Mosley, napanatili naman nito ang kanyang titulo sa mundo ng boxing bilang top pound-for-pound boxer.
Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores